Isang “Pandora’s box” ang nabuksan sa isinasagawang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways.
Ayon kay UST professor at political analyst, Dr. Froilan Calilung, magandang pagbubukas sa kaso nang ilantad ng mga testigo at resource person ang mga malalaking pangalan na sangkot sa kaso upang mabantayan kung sino-sino ang talagang dapat imbestigahan at tutukan.
Dagdag pa ni Dr. Calilung, aasahang mas marami pang matutuklasang anomalya sa mga proyekto ng gobyerno lalo’t isang proyekto mula sa isang kagawaran pa lamang ang sumasalang sa malalim na imbestigasyon.
Samantala, binigyang-diin din ng propesor ang mahalagang papel ng taong bayan bilang katuwang ng pamahalaan sa pagsugpo ng pinakamalaking kaso na kinahaharap ng bansa upang mapanagot ang mga opisyal na nagbubulsa sa kaban ng bayan.