Nangangamba namang walang pagkabuhayan ang mga mangingisda sa lalawigan ng Capiz.
Kasunod ito ng ipinalabas na shellfish ban sa nasabing lalawigan bunsod ng pagtaas ng red tide toxin sa Sapian Bay.
Kaugnay nito, nagbigay direktiba na si Capiz Governor Victor Tanco sa mga bayan ng Sapian, Ivisan, Panay, Pontevedra, Pilar at President Roxas na tiyaking napapatupad ang ipinalabas na ban.
Batay sa abiso ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), bawal ang panghuhuli, pagbebenta at pagkain ng mga lamang dagat sa nasabing baybayin dahil sa mataas na toxicity level ng tubig na peligroso sa kalusugan ng tao.
Dahil dito, pinag-aaralan ng pamahalaang panlalawigan kung magpapatupad ng partial state of calamity sa kanilang lugar dahil sa pinangangambahang pagkalugi ng maraming mangingisdang umaasa lamang sa yamang dagat.
By Jaymark Dagala