Nahatulan nang guilty sa kasong perjury si Jonathan Morales, ang dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent na nagdawit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggamit umano ng iligal na droga.
Hinatulan ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC), Branch IV, sa San Fernando City, Pampanga si Morales ng “guilty beyond reasonable doubt of perjury” dahil sa pagbibigay nito ng maling testimonya laban sa dalawang pinaghihinalaang drug traffickers noong 2011.
Sinentensiyahan si Morales ng apat na buwang pagkakakulong at multang P1,000.
Batay sa Article 183 ng Revised Penal Code, nangyayari ang perjury kung ang isang tao ay kusa at intensyunal na gumagawa ng maling pahayag o nagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa sa harap ng isang opisyal.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na “professional liar” si Morales matapos siya idawit nito sa “leaked documents” umano ng PDEA; na ayon kay dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson ay “pira-pirasong papel” lamang.
Kinumpirma rin mismo ni PDEA Legal and Prosecution Service Acting Director Atty. Francis Del Valle na hindi kailanman napasama si Pangulong Marcos sa drug watchlist ng ahensya.