Nakaposisyon na ang mga emergency services at personnel ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang paghahanda sa Bagyong Rolly sa Metro Manila.
Batay sa abiso ng ahensya, binanggit na naka-standby na ang kanilang mga tauhan para sa agarang deployment sakaling kakailanganin partikular sa road clearing, quick response at rescue, traffic management, at iba pang mga serbisyo upang maibsan ang epekto ng kalamidad.
Upang maiwasan naman ang pagbabaha, pinagagana na rin ng MMDA ang limampu’t anim na pumping stations sa iba’t ibang lugar sa Kalakhang Maynila. Maging ang Flood Control and Sewerage Management Office ay naka-standby na rin para sa posibleng deployment nila sa mga binabahang lugar.
Kung kakailanganin din, sinabi ng MMDA na nakahanda na rin ang kanilang ambulansiya, rubber boats at iba pang rescue vehicles.