Sakit ng katawan dulot ng injuries ang inabot ng isang lalaki sa India na gusto lang naman sanang makipag-selfie sa isang elepante. Ang problema nga lang, nagulat ang elepante sa flash ng kaniyang cellphone at bigla na lang nanghabol.
Kung ano ang sinapit ng lalaki matapos habulin ng elepante, eto.
Kumakalat ngayon sa social media ang video ng isang lalaki na hinahabol ng isang malaking elepante sa Karnataka, India.
Ayon sa mga ulat, kinilala ang lalaki na si R. Basavaraju na nag-trespassing umano papasok sa isang restricted area kung nasaan ang nasabing elepante.
Pero paano nga ba nangyaring hinabol ng elepante ang lalaki gayong makikita sa video na malayo ito sa elepante at nasa magkabiling gilid ng kalsada?
Ayon sa mga saksi, sinubukan umanong mag-selfie ni Basavaraju kasama ang elepante. Pero ang flash ng camera nito, nakabukas pala at naging dahilan pa para magulat ang elepante.
Mula sa pagkain ng mga carrots sa gilid ng kalsada, mabilis na tinawid ng elepante ang makitid na daan at hinabol ang lalaki na agad namang kumaripas ng takbo.
Bukod sa laki ng mga hakbang ng elepante, biglang napatid ang lalaki at nadapa sa gilid ng kalsada kung kaya agad itong naabutan ng na-trigger na hayop.
Doon na nakakuha ng tyempo ang elepante at inapakan ang nakadapang lalaki.
Dahil sa diin at lakas ng impact ng pagkakaapak, napunit at nahubad ang suot na pantalon ng lalaki, dahilan para makitaan pa ito ng puwitan.
Matapos nito ay naglakad papalayo ang elepante papunta sa gubat.
Ayon sa isa sa mga saksi na si Daniel Osorio, ang bayolenteng tagpo sa pagitan ng elepante at ng lalaki ay nagsilbing paalala sa mga tao na maging marespeto sa mga hayop at sa mga guidelines na dapat sundin sa tuwing lalapit sa mga wildlife species.
Samantala, nakaligtas naman si Basavaraju sa insidente matapos isugod sa ospital ngunit dahil sa ginawa nitong trespassing ay kinakailangan nitong magbayad ng multang 25,000 rupees o mahigit 16, 000 pesos, at magpasa ng video kung saan inaamin nito ang kaniyang kasalanan.
Sa mga pasaway diyan, ilugar lang dapat ang katigasan ng ulo kung ayaw niyong sakit ng katawan ang ibalik ng pagiging maligalig niyo.