Inanunsyo ng Department of Public Works and Highways na sa susunod na taon na ipatutupad ang rehabilitasyon ng Edsa at ang odd-even traffic scheme.
Ayon kay Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, hindi muna sisimulan ang proyekto ngayong taon dahil sa banta ng tag-ulan at paparating na Christmas rush.
Aniya, target itong simulan sa mga hindi masyadong mataong bahagi ng Edsa sa unang bahagi ng 2026.
Tinitingnan din ng ahensya ang mas mabilis at abot-kayang teknolohiya para ayusin ang 23.8-kilometrong kalsada, kabilang ang posibilidad na magpatong na lang ng bagong layer kaysa hukayin ang buong daan.
Kaugnay nito, nauna na ring sinabi ng Department of Transportation, na magdaragdag sila ng mga bus sa Edsa Busway at pinag-aaralan din ang mas maagang operasyon ng MRT-3, upang maibsan ang inaasahang mabigat na daloy ng trapiko.