Dumating sa bansa kahapon ang karagdagang 547,100 doses ng astrazeneca vaccines na donasyon ng Poland.
Ayon kay Vaccine Czar at National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., ang bagong dating na COVID-19 vaccines ay ilalaan sa mga mangangailangang LGU’s.
Binigyang diin ni Galvez na dapat na magkaroon ng agresibong hakbang sa pagbabakuna lalo’t mayroong lumitaw na bagong COVID-19 variant na Omicron.
Kailangan rin aniyang magkaroon ng proteksyon ang mga hindi pa nababakunahan ngayong tumataas ang kaso ng bagong COVID-19 variant sa Europe at ibang bansa.
Sa ngayon, tanging mga indibidwal 18 pataas at mga batang edad 12 hanggang 17 ang binabakunahan laban sa sakit.
Sinabi pa ni Galvez na plano ng pamahalaan na mabakunahan na rin ang mga batang edad lima hanggang labing isa sa first quarter ng susunod na taon. —sa panulat ni Hya Ludivico