Kasunod ng kontrobersya sa mga maanomalyang flood control projects, hihigpitan na rin ng Department of Finance ang proseso sa pag-apruba sa proposal ng mga bagong flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, may basbas ng Economy and Development Council Investment Coordination Committee ang pagpapatupad ng DOF ng mas istriktong approval process sa mga nasabing proyekto.
Sa ilalim ng kasalukuyang pamantayan, hindi dumadaan sa evaluation ng Investment Coordination Committee ang karamihan sa mga proyekto, dahil tanging mga flood control projects na lampas sa 2.5 bilyong pisong halaga ang required dumaan sa evaluation.
Ayon kay Usec. Castro, sa pamamagitan ng bagong patakaran, dadaan na sa masusi at komprehensibong review ng komite ang mga bagong flood control projects bago pa ipatupad, para masiguro ang sustainability at kalidad.
Alinsunod umano ang bagong patakaran ng DOF sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wakasan ang mga tiwaling gawain sa pagpapatayo ng flood control projects, matapos madiskubre ang ilang substandard at ghost projects.
—sa panulat ni Jasper Barleta