Inilatag na ng Department of Energy (DOE) ang mga contingency measures nito sakaling magkaroon ng forced outages sa mga power plants.
Ito ay matapos lumabas sa simulations na ginawa ng NGCP at ng kanilang ahensya, na may yellow alerts na maaaring mangyari isang linggo bago at isang linggo matapos ang May 9 elections.
Ayon sa DOE, isa sa mga contingency measures ay ang inaasahang testing at commissioning ng power dinginin unit 2 plant na may available capacity na 668 mw ngayong buwan.
Habang ang ikalawa ay ang pagpapaliban ng preventive maintenance shutdowns ng ilang hydropower facilities.
Sinabi naman ni DOE-Electric Power Industry management Bureau Director Mario Marasigan, na magagamit na ang available capacities ng malaking hydropower facilities sa panahon na kailanganin ito, lalo na sa election period.
Samantala, ang pangatlong contingency measure ay ang paglipat ng electricity mula Visayas sa Luzon na 100 sa 150 mw.
Sa kabila nito, naniniwala naman si DOE Undersecretary Felix Fuentebella na ang yellow alerts ay hindi dapat ikabahala, dahil hindi ito nagreresulta ng rotational outages. —sa panulat ni Abby Malanday