Planong i-review ng Department of Education (DepEd) ang haba ng oras na inilaan sa pagtuturo ng mga guro sa pagbabalik ng in-person learning o face-to-face classes.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, matapos ang unang araw ng pagbabalik klase ng mga estudyante ay nakatanggap sila ng feedback mula sa mga guro.
Sa naging pahayag ng mga guro, masyadong maiksi ang inilaan o itinakdang oras para sa kanilang pagtuturo kung saan, 3 oras lamang ang dapat itagal sa pagtuturo sa Kindergarten students habang 4 na oras naman sa mas mataas na grado hangang Senior High School.
Aminado ang deped na naguguluhan ngayon ang mga guro dahil isa pa sa kanilang concern ay kung papaano pagsasabayin ang face-to-face classes at ang nagpapatuloy na distance learning.
Sinabi ni Malaluan na makikipagpulong ang kanilang ahensya sa Department of Health para talakayin ang naturang usapin. —sa panulat ni Angelica Doctolero