Maaaring ipatawag ng Office of the Ombudsman ang isang dating kongresista ng Quezon City para magbigay ng testimonya hinggil sa sinasabing anomalya sa flood control project.
Ito mismo ang iginiit ni Lawyers for Commuters Safety and Protection president Ariel Inton matapos ibunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may isang dating QC congressman ang handang ibulgar ang sinasabing katiwalian sa flood control scandal pero binawi agad ang plano.
Ayon kay Atty. Inton, may kapangyarihan si Ombudsman Remulla na maglabas ng subpoena upang pilitin ang dating mambabatas na ilahad ang lahat ng kanyang nalalaman hinggil sa kontrobersyal na proyekto.
Ang pagsisiwalat ng dating kongresista ay maaaring magbunyag ng mas malalim na mga iskema kung paano umano naabuso ang pondo para sa mga flood control project.
Iminungkahi rin ni Inton na ipaalam ng Ombudsman sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang pagkakakilanlan ng dating kongresista upang maimbitahan ito sa isinasagawang imbestigasyon ng komisyon.
Binanggit ni Inton na madaling tukuyin kung sino ang tinutukoy ni Remulla dahil “mabibilang sa daliri” ang mga dating kongresista ng Quezon City.




