Dalawang warehouse ng asukal ang sinalakay ng Bureau of Customs katuwang ang iba pang government agency sa mga lungsod ng San Fernando, Pampanga at San Jose Del Monte, Bulacan.
Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na ipatupad ang “visitorial powers” sa lahat ng mga bodega o customs bonded warehouse upang masiyasat ang imbentaryo, partikular ang mga imported agricultural products at mabatid kung may nagaganap na “hoarding”.
Tinatayang 44,000 sacks o katumbas ng P220 million ang halaga ng mga nakumpiskang mga nakaimbak na asukal na hinihinalang inimport mula Thailand, bukod pa sa mga nadatnang mga sako ng corn starch, harina flour, plastic products at mga plastic barrel ng mantika.
Pinasok ng mga otoridad ang bodega na matatagpuan sa New Public Market, barangay Del Pilar, San Fernando at natiyempuhan ang Chinese-Filipino warehouse keeper na si Jimmy.
Sinalakay din ang dalawang warehouse na pag-aari ng isang Victor Chua sa San Jose Del Monte City.
Batay sa natanggap na impormasyon ng BOC, ginagawa umanong imbakan ng mga hino-hoard na asukal ang mga nasabing bodega upang pataasin ang presyo sa merkado.