Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representantes ang House Bill 4664 o Real Property Valuation and Assessment Reform Bill, ang ikatlong tranche ng Comprehensive Tax Reform Program.
Layon ng House Bill 4664 na i-harmonize o magtakda ng iisang valuation base para sa asssessment ng pagbubuwis sa real property.
Sa ilalim nito, aalisin na sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pag-apruba sa Schedule of Market Values (SMV) at ililipat sa itatag na real property valuation service na sakop ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) ng Department of Finance (DOF).
Ayon kay Cong. Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means at principal author ng panukala, target din nitong maresolba ang isyu ng right of way.
Samantala, inaasahan namang aabot sa halos P30-bilyon ang kikitain ng lokal na pamahalaan sa unang taon ng pagpapatupad nito sakaling maging ganap itong batas.