Mariing itinanggi ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa na muling nabuhay ang Sparrow Unit ng New People’s Army (NPA).
Sa isang pahayag sinabi ng CPP na walang basehan ang alegasyon ni Dela Rosa at gumagawa lamang ng senaryo ang pamahalaan bilang bahagi ng kanilang planong ibalik ang diktaturya.
Binanggit pa ng CPP ang pagkuha ng PNP ng mga retiradong pulis para magsanay sa mga pulis na itatalaga sa mga operasyon laban sa mga umano’y NPA Sparrow Unit o mga sinasabing assassin ng rebeldeng grupo.
Katulad anila ito sa pangyayari noong 1980’s kung saan ginamit laban sa mga aktibista at summary execution ang grupo ng mga sundalo at pulis na nakatalaga dapat kontra sa NPA Sparrow Unit.
Magugunitang, binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo laban sa umano’y muling pagbuhay sa Sparrow Unit ng NPA habang sinabi naman ni Dela Rosa na mas pinalakas pa ng mga rebelde ang nasabing grupo matapos maudlot ang peace talks.
—-