Mariing itinanggi ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang alegasyon ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. na mayroon siyang 529 million pesos na insertion sa 2025 national budget para sa flood control projects.
Iginiit ni Cong. Tiangco na hindi siya makapagpapasok ng insertions sa budget dahil hindi naman siya miyembro ng bicameral conference committee.
Aniya, ang kaya lamang niyang gawin ay humiling ng pondo at ang bicam na ang bahalang magdesisyon.
Ipinunto ng kongresista na marapat lamang na magpatupad ng flood control projects sa Navotas dahil mababa ang lokasyon nito kaya ito binabaha.
Matagal na rin aniya niyang isinasapubliko ang planong paghingi ng pondo sa national government para sa proyekto na magbibigay proteksyon sa kanyang nasasakupan.
Para kay Cong. Tiangco, malinaw na iniilihis ni Cong. Garbin ang isyu mula sa mahigit 13.8 billion pesos na sinasabing isiningit ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa 2025 national budget, kung saan ang mahigit 2.2 billion pesos ay para sa Barangay Health Wellness o BHW Partylist.





