Ipinasilip ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ang umano’y impeachment complaint na kaniyang ihahain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa Facebook page ng Neophyte Lawmakers, kaniyang ibinahagi ang isang video kung saan tinawag niyang crocodile farm ang plenaryo ng Kamara.
Sinabi din niya na absent umano ang mga buwaya at pansamantalang nagpahinga sa sesyon ng Kamara.
Ipinakita rin niya sa publiko ang ihahaing reklamo para patalsikin sa posisyon si Pangulong Marcos.
Kabilang sa pinagbatayan ng bagitong mambabatas ang betrayal of public trust.
Umaasa si Barzaga na tutugunan ng Kongreso ang kaniyang hinaing at agarang mapapatalsik sa puwesto si PBBM at masimulan ang imbestigasyon sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Una nang nag-post si Barzaga na nananawagan kay Pangulong Marcos na magbitiw na ito sa puwesto, na sinundan pa niya ng isa pang post kung saan sinabi nito na hindi lang si dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez ang dapat makulong kundi pati na rin daw si PBBM.