Nasa Pilipinas ngayon ang Defense Minister ng China na si Gen. Wei Fenghe sa gitna ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
Unang binisita ng Chinese Defense Minister si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Kampo Aguinaldo kung saan, nagkaroon muna ng ilang minutong pagpupulong.
Nagkasundo ang dalawang opisyal na magtulungan sa laban kontra COVID-19 gayundin ang pagrepaso sa Memorandum of Understanding on Defense Cooperation.
Lumagda rin ang dalawang opisyal para sa P1-B halaga ng donasyon ng Chinese government sa Pilipinas para sa humanitarian at disaster relief equipments.
Napag-usapan din nila Lorenzana at Wei ang pagsusulong ng code of conduct sa South China Sea upang maiwasan nang muli ang pagkakaroon ng tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Lorenzana, umaasa siyang magbubunga ng matatag na relasyon ang naging pag-uusap nila ni Gen. Wei sa mga usapin ng mutual concern at pagpapatatag ng kooperasyon ng Pilipinas at China sa aspetong pangdepensa.