Kumpiyansa ang Malakanyang na tutuparin ng CPP-NPA at NDF ang kanilang idineklarang tigil putukan bilang tugon sa ipinatupad na unilateral ceasefire ng pamahalaan ngayong kapaskuhan.
Ayon kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, umaasa siyang sinsero ang komunista sa kanilang pahayag para magbigay pagkakataon sa dalawang panig na makapagdiwang ng tahimik at mapayapa.
Binigyang diin ng kalihim na mahalaga ang naging tugon ng CPP-NPA sa idineklarang unilateral ceasefire ng pamahalaan dahil ipinapakita nito ang pagnanais na mag-abot ng kamay ang dalawang panig para sa kapayapaan.
Bagama’t may umiiral na tigil putukan sa magkabilang panig, sinabi ni Andanar na awtomatiko pa ring nasa defense mode ang militar at mga rebelde sakaling may sumiklab na engkwentro sa mga kanayunan.
(Ulat ni Jopel Pelenio)