Mariing inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng karagdagang ₱5 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, aabot sa 411,000 benepisyaryo ang makikinabang mula Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon.
Layunin ng pondo na tugunan ang kakulangan sa badyet ng mga programang tumutulong sa mga indibidwal at pamilyang nasa krisis.
Paliwanag ng kalihim, ang pondong ito ay bahagi ng unprogrammed appropriations o mga standby fund na inaprubahan ng Kongreso, na maaaring gamitin kapag may sobrang kita o dagdag na revenue.
Binigyang-diin ni Pangandaman na ang unprogrammed funds ay hindi lihim o discretionary, kundi mahalagang “fiscal buffer” ng pamahalaan para sa mabilisang pagtugon sa mga sakuna at agarang pangangailangan ng mamamayan.
Ginamit na rin umano ng gobyerno ang ganitong pondo noong pandemya upang pondohan ang mga programa sa kalusugan, edukasyon, at agrikultura.
Dagdag pa ni Pangandaman, mananatiling transparent ang DBM sa paglalaan at paggamit ng pondo, alinsunod sa kapangyarihang ipinagkaloob ng Kongreso na may kinalaman sa national budget.