Home NATIONAL NEWS EXPLAINERS

EXPLAINERS

Natapos na nga ang isinagawang malawakang rally sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan lumahok ang mga grupo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan para mangalampag at pagpanagutin ang mga sangkot sa katiwalian.

Pero pagkatapos nito, ano nga ba ang dapat asahan ng mga Pilipino? Mayroon nga bang magbabago? Mananagot nga ba ang mga dapat managot?

Pero maiba tayo, bukod sa hinihintay nating magandang pagbabago, dapat din nating bantayan kung ano nga ba ang magbabago sa ekonomiya ng bansa matapos ang sunud-sunod na malalaking isyu, lalo na ang anomalous flood control projects.

Ayon sa economist na si Prof. Astro del Castillo, maaaring mawalan ng tiwala at kumpyansa ang mga investor sa bansa dahil sa pagputok ng isyu ng katiwalian sa infra projects.

Bagama’t ilang linggo nang nag-iinit ang ulo ng taumbayan dahil na rin sa kagustuhan na maibalik ang ibinayad nilang tax, sinabi ni Prof. Astro na mayroon namang idinulot na maganda ang mga nagkalat na isyu sa kamalayan ng mga Pilipino.

Samantala, katulad ng marami, hiling din ni Prof. Astro na maging maganda ang pagsasara ng isyu na nag-ugat sa baha, na noong una pa lang ay nakontrol na sana kung tamang tao lang ang naghawak ng mga proyekto.

Kung inaalala niyo naman ang kahihinatnan ng ekonomiya ng bansa, aba dapat lang na isipin niyo rin ito katulad ng tax na binabayaran niyo.

Dahil kung babagsak ang ekonomiya, panibagong hamon na naman ang haharapin ng mga Pilipino at sa pagkakataon na yon, mas malaki at mas mabigat ang papasanin nating lahat.

Pero ayon kay Prof. Astro, kung sakali man na may magandang kahihinatnan ang mga imbestigasyon at rally na isinasagawa hinggil sa paglaban sa katiwalian, may posibilidad pa aniya na manumbalik ang kumpyansa ng mga investor sa Pilipinas.

September 22, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Sinong mag-aakala na ang isa sa pinaka prestihiyoso at pinapangarap na unibersidad ng mga Filipino students ay nakararanas din pala ng kakulangan? Hindi sa classrooms, kundi sa buildings.

Paano ba naman kasi, hindi rin pala nakaligtas ang University of the Philippines Diliman campus sa palpak na trabaho ng mga kontratista, ayon yan kay Kontra Daya Convenor Prof. Danny Arao sa opisyal na panayam ng DWIZ.

Bukod pa riyan, kung ang ibang eskwelahan ay nakararanas ng kakulangan sa school supplies, upuan, o classroom, sa UP Diliman, isang kolehiyo ang wala pa ring sariling building.

But wait, there’s more. Ayon kay Prof. Arao, tumutulo ang kisame at marami pang ibang problema na kailangang ayusin sa isang building na maaari sanang magsilbing learning center para sa mga estudyante.

Ibinahagi pa ni Prof. Arao ang biruan sa UP Diliman campus na kapag binaha ito, ibig sabihin ay malaki na talaga ang problema sa pagbaha.

At eto na nga, ayon sa propesor, for the first time in history ay tuluyan na ngang binaha ang UP Diliman.

Kung kaya naman hindi na nakakapagtaka kung bakit dumalo ang mga estudyante mula sa nasabing unibersidad sa ginanap na anti-corruption rally.

Bukod sa kilala ang mga ito sa pagiging matapang at vocal sa kanilang mga ipinaglalaban, personal din pala nilang naranasan ang perwisyong dala ng mga palpak na trabaho ng mga kontratista.

Biruin niyo, kinabukasan ng mga estudyante ang nakataya sa anggulo na ito ng isyu. What more kapag narinig natin ang sentimyento ng bawat Pilipino na biktima rin ng mga palpak na infra projects?

Ngayon ngang natapos na ang malawakang anti-corruption rally, are we already on the same page? Mulat na ba ang mga mata at bukas na ba ang isip ng lahat? O mayroon pa ring mabgubulag-bulagan dahil lang hindi nila nararanasan ang hirap ng taumbayan?

September 22, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Sa sunud-sunod na mga kontrobersiya na iniimbestigahan sa bansa, dapat nating maintindihan hindi lang ang puno’t dulo nito kundi pati na rin ang pinanggagalingan ng mga Pilipinong nakikipagsabayan na rin sa pag-iingay para lang makuha ang hustisya, partikular na sa binabayaran nilang buwis.

Are we on the same page? Tara, pag-usapan natin.

Ikaw, ako, tayong lahat– lahat tayo ay tax payers, at ang mga tax na ito na ikinakaltas sa ating mga sahod at kasama sa mga binabayaran nating produkto ay ang ginagamit ng pamahalaan para pondohan ang mga serbisyong pampubliko para sa kapakinabangan ng lahat.

Kaugnay nito, sinabi ni dating Bureau of Internal Revenue Commissioner na si Atty. Kim Jacinto-Henares sa isang panayam ng DWIZ na may karapatan ang mamamayang pilipino na lumapit sa mga ahensya ng pamahalaan para mag-report ng makikita nilang mga maanomalyang proyekto.

Nilinaw ni Atty. Henares na maaari ring idiretso ang mga ganitong uri ng reklamo sa Ombudsman at Commission on Audit.

Pero take note, hindi dahil may karapatang magsampa ng reklamo ay loloko-loko na tayo. Pagdating sa ganitong usapin, bawal ho ang pranksters. Paalala ni Atty. Henares, huwag magsisinungaling at mang-prank dahil ang ganitong uri ng mga reklamo ay iimbestigahan ng mga ahensya.

Gayunpaman, sinabi rin ng abogado na ang BIR mismo ay maaaring magsagawa ng Motu Proprio Investigation o sariling imbestigasyon para suriin kung ang mga indibidwal ba na sangkot sa ghost flood control projects ay sumusunod sa batas at nagbabayad din ng tamang buwis katulad ng mga ordinaryong Pilipino.

Ngayong malinaw na sa ating lahat ang pinanggagalingan ng hinaing ng mga Pilipino, mas madali nang maintindihan kung bakit ganon na lang natin ipaglaban ang karapatan natin, hindi lang bilang manggagawa, kundi bilang mga mamamayan na naghahangad lang naman ng matapat na sistema.

September 18, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Understandable naman na marami ang nawawalan na ng pag-asa dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa matapos ang sunud-sunod na pagkakalantad ng katiwalian na nag-ugat sa flood control projects.

Pero ang totoo, marami pa rin ang umaasa at patuloy na lumalaban para mabigyan ng hustisya at maibalik ang pera na nagmula sa mga Pilipinong tapat at patas na lumalaban araw-araw para lang kumita.

Sa katunayan, sa darating na Linggo, September 21, inaasahan ang pagsasanib-pwersa ng mga grupong magmumula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan na mag-aalsa laban sa korapsyon.

Kasabay ng rally na tatawaging ‘Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon’ ay ang 53rd anniversary ng Martial Law declaration ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Samantala, sinabi ng Convenor ng grupong Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) na si David Michael San Juan sa isang pahayag na layunin nila na manawagang pagpanagutin ang mga sangkot na indibidwal sa mga naganap na katiwalian sa mga nagdaang administrasyon.

pagpapababa sa pwesto ng mga opisyal ng gobyerno dahil naiintindihan nila na mayroong tamang proseso bago ito magawa.

Gayunpaman, bagama’t wala pang pinal na bilang ng mga taong dadalo sa rally, sinabi ng Convenor na sa palagay niya ay tinatayang aabot sa isandaang libo katao ang dadalo rito, lalo na at dumadami aniya ang boluntaryong nagpapahayag ng interes na makiisa, pati na rin ang mga grupong dati ay tahimik pagdating sa social issues pero ngayon ay handa nang sumabay sa ingay para sumigaw ng hustisya.

September 18, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Tunay nga naman na malaking ginhawa at convenience ang dala ng pagkakaroon ng sariling sasakyan. Bukod sa hindi mo na kakailanganing mag-commute, hindi ka rin mahihirapang bumiyahe lalo na tuwing umuulan.

Ang problema, kaakibat nito ang hirap sa paghahanap ng parking area. Kung kaya nga napipilitan ang ibang car owners na mag-park sa gilid ng kalsada.

Pero sa isang pahayag, sinabi ni San Juan City Mayor at Metro Manila Council President Francis Zamora na opisyal na nilang ipinasa ang Resolution No. 25-001 kung saan ipagbabawal na ang street parking sa ilang kalsada sa metro manila. Ibig sabihin, hindi ito magiging total parking ban dahil aniya, mayroong mga kalye na hindi maaaring ipagbawal ang pagpaparada sa lahat ng oras.

Ito’y matapos aprubahan ng Metro Manila Council ang resolusyon na siya namang makakatulong para maibsan ang trapiko, na ayon kay MMDA chairman don artes ay nagmumula rin sa illegal parking.

Dagdag pa ni Mayor Zamora, pwede naman ang street parking sa mga national secondary roads, huwag lang sa pagitan ng 7-10 a.m. at 5-8 p.m. dahil rush hour yan.

Pinahuhuntulutan naman ang one-side parking sa mga kalsadang hindi gaanong dinadaanan ng mga sasakyan basta ba hindi nakakasagabal lalo na sa mga rumeresponde sa emergency.

Hindi rin ligtas sa resolusyon ang mga terminal ng sasakyan na nasa primary at national secondary roads. Pero ang mga emergency vehicles, exempted.

Ilan sa mga lugar na kabilang sa resolusyon ang Recto Avenue, Quirino Avenue, Espanya Boulevard, Marcos Highway, Shaw Boulevard, at marami pang iba.
Gayunpaman, maaari pang maamyendahan ang resolusyon pero
inaasahan na maiimplementahan na ito bago magpasko para kahit paano ay mapagaan ang Christmas rush.

Paalala, kung ayaw niyong magbayad ng isang libong multa para sa attended illegal parking at dalawang libong piso para sa unattended illegal parking, wag kayong magpasaway.

September 18, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Opisyal na ngang nag-resign bilang house speaker si Cong. Martin Romualdez matapos ang mahigit tatlong taon niyang pamamalagi sa pwesto.

Pero kamakailan lang ay napuno ng batikos ang kongresista matapos madawit ang kaniyang pangalan sa isyu ng bilyun-bilyong halaga ng flood control projects dahil umano sa pagtanggap nito ng suhol na kaniya namang itinanggi. Bukod pa riyan, idinadawit din siya sa 2025 General Appropriations Act na binansagang most corrupt budget.

Sa pagbaba nito sa pwesto ay ang siya namang pag-upo ni Isabela 6th District Representative Faustino ‘Bojie’ Dy III.

Bagama’t bago ang pangalang ito sa pandinig ng ilan, sinabi ng Political Analyst na si Prof. Edmund Tayao sa opisyal na panayam ng DWIZ na sa palagay niya ay may kakayahan at taglay na karunungan ang bagong leader.

Nagmula man ang bagong House Speaker sa isang local position bilang Vice-Governor ng Isabela at ngayon ay uupo sa fourth highest position sa bansa, sinabi ni Prof. Tayao na sa tingin niya ay hindi ito mahihirapang mag-adjust kung gagampanan nito nang mabuti ang kaniyang trabaho.

Gayunman, natapos na ang inaabangang pagpapalit ng liderato. Ang susunod na lang na aabangan nating mga pilipino ay kung paano tatakbo ang house of representatives sa ilalim ng bagong namumuno.

September 18, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Bukod sa magagarang mga sasakyan at lavish lifestyle ng mga itinuturong sangkot sa anomalous flood control projects pati na rin ang kaniya-kaniya nilang mga pamilya, dumagdag pa ang nakapanlulumong balita na inilustay ng limang kawani mula sa DPWH Bulacan First District Engineering Office ang halos isang bilyong pisong halaga ng pera mula sa taumbayan sa mga casino.

Tinatawag ngayon na bgc boys ang limang engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Edrick San Diego matapos silang bansagan ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ng ‘Bulacan Group of Contractors.’

Kaugnay sa anggulong ito ng isyu, nang tanungin ang chairman ng Senate Committee on Games and Amusements na si Sen. Erwin Tulfo sa opisyal na panayam ng DWIZ kung paano nga ba talaga nakakapuslit ang BGC boys sa mga casino at nagagawang magwaldas ng milyun-milyong halaga ng pera, sinabi nito na may kakulangan ang mga staff ng casino sa kanilang responsibilidad.

Dagdag pa niya, makikita naman daw sa apelido ng BGC boys na hindi kilalang personalidad ang mga ito at hindi nagmula sa mayayamang angkan, kung kaya dapat daw ay pinagdudahan na ito ng mga staff ng casino at inireport sa Anti-Money Laundering Council.

Matatandaan na ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation, nagkakahalaga ng tumataginting na P950 million ang ipinatalo ng BGC boys sa 13 casino sa Metro Manila, Cebu, at Pampanga.

At eto pa, ang mga engineer, nagpupunta pa sa casino na may sandamakmak na cash-on-hand at inilalagay lang sa maleta.

Samantala, kaugnay nito, nakikipagtulungan na si DPWH Sec. Vince Dizon sa Anti-Money Laundering Council para maipa-freeze na ang assets ng mga sangkot umano na contractors at opisyal ng gobyerno sa flood control projects.

Gayunpaman, nakapanlulumo man isipin na ang kinakaltas na tax sa pera na pinaghihirapan nating kitain sa araw-araw ay napunta sa personal na interes ng mga umano’y sangkot na ito at hindi sa kapakinabangan nating lahat, sinampahan naman na ni Sec. Dizon ng kasong Graft and Corruption at Government Procurement Act ang dalawampung opisyal at empleyado ng Bulacan 1st District Engineering Office.

September 17, 2025 0 comment
1 Facebook Twitter Google + Pinterest

Doble-doble ang araw-araw na dagok ng sandamakmak na commuter sa Pilipinas sa tuwing bumibiyahe papasok sa trabaho o eskwelahan.

Bukod kasi sa pag-aagawan at pagsisiksikan sa mga pampublikong sasakyan, traffic din ang numero unong kalaban ng mga ito na siyang nagiging sanhi ng pagka-late sa dapat nilang punatahan.

Dahil sa ilang taon nang problema ng mga commuter, naglabas ang Department of Transportation ng kautusan mula sa direktiba ni Acting Secretary Banoy Lopez kung saan nakasaad na dapat ay maranasang mag-commute ng matataas na opisyal ng DOTR at least once a week para personal na maranasan ng mga ito ang araw-araw na pinagdaraanan ng mga commuter.

Isa itong hakbang mula sa ahensya para siguraduhin na epektibo ang magiging implementasyon ng kanilang mga proyekto.

Ayon sa kautusan, kabilang ang mga undersecretaries, assistant secretaries, at directors sa mga naatasang mag-commute at sumakay sa EDSA Busway, MRT-3, LRT-1, LRT-2, o jeep.

Kaugnay nito, pinaburan naman ng Presidente ng Lawyers for Commuters Safety & Protection na si Atty. Ariel Inton ang nasabing kautusan at sinabi sa opisyal na panayam ng DWIZ na dapat ay magsilbi itong halimbawa sa iba pang mga ahensya ng gobyerno.

Ayon pa kay Atty. Inton, magsisilbi itong paraan para maisapuso ng mga dotr official ang iimplementahan nilang mga solusyon para pagaanin ang buhay ng mga commuter.

Pero ayon kay Atty. Inton, sa katunayan ay hindi na kinakailangan pang maranasang mag-commute ng isang tao para malaman ang kalbaryo ng mga commuter.
Pero aniya, mas maigi na maramdaman at mas maintindihan ng mga opisyal ang araw-araw na hirap ng maraming Pilipino, lalo na ang hirap para makasakay, lalo na kapag umuulan.

Samantala, nakiusap naman ang abogado na huwag nang parusahan ang mga jeepney drivers na gustong makiisa sa isasagawang 3-day transport strike ng mga tsuper na nais lang namang maglabas ng kanilang hinaing sa flood control scandal, gayong hindi pa naipagkakaloob sa kanila ang request na fuel subsidy.

Gayunpaman, kumusta naman kaya ang magiging experience ng mga DOTR officials lalo na at ngayon magsisimula ang implementasyon ng nasabing kautusan at ngayon din ang simula ng 3-day transport strike ng mga transport groups?

September 17, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Sa patuloy na pag-iimbestiga hinggil sa ghost o substandard flood control projects, nagsimula nang mag-alsa ang galit na taumbayan na humihingi ng hustisya para sa pinagpaguran nilang pera na ginamit lang umano ng mga kontratista sa katiwalian at pansariling interes.

Kung ano ang sinisigaw ng mga raliyista? Transparency mula sa gobyerno, pananagutan at pagpapakulong sa mga mapapatunayang may sala, pagpapatalsik sa mga tiwali, at higit sa lahat ay ang maibalik ang pera na ang puhunan ay ang kanilang dugo’t pawis.

Kaugnay nito, sinabi ni Newly-Appointed Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na inihahanda na nila ang mga kasong isasampa laban sa mga indibidwal na mapapatunayang guilty.

Pero paninigurado niya, hindi doon titigil ang gagawin nilang aksyon dahil sisiguraduhin nila na mababawi ang perang ginastos sa maanomalyang mga proyekto.

Para mapabilis ang proseso, sinabi ni Sec. Dizon na siya mismo ang pupunta sa anti-money laundering council para alamin ang tamang proseso para maibalik ang mga nagamit na pera.

Nang tanungin naman kung ano ang mga nadiskubre ng bagong sekretarya sa bago niyang pinamumunuan, sinabi ni Sec. Dizon na kakulangan sa project monitoring ang nakikita niyang malaking problema sa ahensya.

Dagdag pa ni Sec. Dizon, susundin niya ang payo ng mga nagdaang DPWH secretaries at iimplementahan ito sa mga susunod na linggo at buwan.

Para naman sa lifestyle checking na paboritong topic ng mga netizen online, wag kayong mag-alala dahil kinumpirma ni Sec. Dizon na sumasailalim na sa pagsusuri ang mga dapat imbestigahan.

Nanawagan pa ang kalihim na agad na ipagbigay-alam sa kanila kung sakaling mayroong DPWH official na mahuhuli na naman sa akto na nagfi-flex ng kanilang sosyal na lifestyle.

September 16, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Hindi maipagkakaila na marami nang naisiwalat sa mga isinagawang imbestigasyon ng Senado at Kongreso hinggil sa anomalous flood control issue.

Sa dami na ng ibinulgar ng mga indibidwal na hinihinalang sangkot dito, umabot na sa pagra-rally ang galit ng taumbayan dahil sa mga nadiskubre nilang detalye lalo na kung paano iwinaldas ang tax payers’ money.

Kaugnay nito, madadagdagan na rin ang mag-iimbestiga sa isyu dahil nagsimula na ngang buuin ang Independent Commission for Infrastructure o ICI at inanunsyo na nga ang ilan sa mga magiging myembro nito.

Nang tanungin naman sa opisyal na panayam ng DWIZ kung ano ang opinyon ng political analyst na si Dr. Froilan Calilung sa itinalagang myembro ng bagong investigating body, sinabi niya na sa palagay niya ay magagampanan ng mga ito nang maigi ang kanilang responsibilidad, considering na mayroon na silang napatunayang kredibilidad.

Dagdag pa niya, mahalaga na mayroong direct knowledge at nasusundan ng mga mag-iimbestiga ang tunay na nangyayari sa isyu nang sa ganon ay magiging smooth-sailing ang mga susunod na hakbang ng imbestigasyon.

Katulad nga ng mga nasubaybayan nating hearing, Senado at Kongreso nagpasimula ng mga ‘yon. Pero ang problema, ilang myembro ng Senado at Kongreso ang idinawit na sa isyu.

Kaya ayon kay Dr. Calilung, hindi na dapat nag-iimbestiga pa ang mga ito para hindi na magkaroon pa ng conflict of interest at hindi maimpluwensyahan ang kahahantungan ng imbestigasyon.

Gayunpaman, sinabi ni Dr. Calilung na maganda naman ang naging simula ng mga imbestigasyon dahil marami nang nakalap na testimonya mula sa mga indibidwal na sangkot umano sa katiwalian.

Sa ngayon, mukhang mahaba-haba pa ang tatakbuhin ng imbestigasyon sa isyu na ito, lalo na at hindi biro ang halaga ng pera na ginastos dito na marapat lang na maibalik para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.

September 16, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest