Home NATIONAL NEWS EXPLAINERS

EXPLAINERS

Tila mata ng agila kung magmatyag ngayon ang mga Pilipino sa bawat galaw ng mga pulitiko, government officials, pati na rin sa pamilya ng mga ito.

Parang may nabuong trust issue sa taumbayan matapos isiwalat sa publiko ang maling paggamit ng pondo o tax mula sa mga Pilipino, partikular na sa bilyun-bilyong halaga ng palpak na flood control projects.

Kabilang sa mga opisyal ng goberyno na pinupuna ngayon sa social media ay ang anak ni Broadcaster-Senator Raffy Tulfo na si Quezon City 2nd District Representative at Assistant Majority Leader Ralph Wendel Tulfo.

Ito’y matapos mag-viral sa social media ang video ni Rep. Tulfo sa isang high-end nightclub sa Las Vegas noong December 2023 na lumalagok ng mamahaling alak.

Bukod pa riyan, nakuhanan din kung paano binayaran at pinirmahan ni Rep. Tulfo ang kanilang bill na nagkakahalaga ng 42,605 US dollars at 73,951.64 US dollars. Sa pera natin, tumataginting na 6,768,120.17 pesos ang total nito.

Pero ang paliwanag niya sa isang pahayag, wala silang ginamit na pera ng gobyerno o ng taumbayan sa kanilang pag gu-goodtime.

Humingi rin ito ng pang-unawa at sinabing mayroong natanggap na good news ang kaniyang mga kaibigan at private Christmas celebration ang ginawa nila sa nightclub.

Paliwanag niya, credit card man niya ang ginamit, lahat naman daw ay sila nag-ambag sa mga nagastos. Sinabi niya rin na naiintindihan niya kung bakit nasasaktan ang mga Pilipino sa mga magagarbong selebrasyon.

Samantala, matatandaan na si Rep. Tulfo rin ang nag-viral nito lang January matapos mahuling dumaan ang kaniyang sasakyan sa EDSA busway.

September 29, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Panibagong impormasyon na naman ang naisiwalat sa katatapos lang na ika-anim na Senate Blue Ribbon Committee hearing na siyang mas nagdiin sa mga dawit umano sa flood control issue na sina Cong. Elizaldy Co at former House Speaker Martin Romualdez.

Ito ang surpresang dinala ni Sen. Marcoleta na si Orly Regala Guteza na nagpakilala bilang dating Security Consultant ni Rep. Zaldy Co at miyembro ng Philippine Marines.

Kabilang sa mga isiniwalat ni Guteza ay ang pagde-deliver umano ng 46 na maleta sa bahay ni Ako Bicol Party-List Rep. Co.

Pero karamihan umano sa mga maleta ay dinala sa bahay ni Cong. Martin Romualdez sa Mckinley Street, Taguig City. At take note, tinatayang aabot lang naman sa P48 million ang laman ng bawat maleta.

Pero ang problema, itinanggi ng abugado na si Atty. Petchie Rose Espera na siya ang nag-notaryo sa affidavit ni Guteza.

Pero ayon naman kay Senate President Pro Tempore Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sa opisyal na panayam ng DWIZ, side issue lang ang usapin kung tama ba ang pagkakanotaryo sa nasabing affidavit dahil substance ng nilalaman nito ang mas mahalaga.

Pero paglilinaw ni Sen. Lacson, kung sakali man na mapapatunayang nagsinungaling si Guteza nang sabihin na notarized ni Atty. Espera ang kaniyang affidavit, maaapektuhan ang mga impormasyon ni isiniwalat niya sa hearing.

Gayunpaman, sinabi ng senador na matatawag na matibay ang affidavit ni Guteza kung masusuportahan pa ito ng mga ebidensya at hindi mare-refute o mapapatunayang mali. Dahil kung wala ang mga ebidensya, mananatili lamang alegasyon ang mga isiniwalat ng bagong witness.

Samantala, sinabi ng senador na hindi na pahaharapin pa sa korte ang nasabing abugado dahil magiging destruction lang ito. Habang nag-request naman si Guteza na maisailalim sa witness protection program para maproteksyunan siya at ang kaniyang pamilya.

September 29, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Inanunsyo kamakailan ni Justice Secretary Boying Remulla na naghain na ng Freeze Order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa assets nila Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co, Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, former DPWH Engineer Henry Alcantara, dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, at dating Representative Mitch Cajayon.

Matatandaan na inakusahan si former House Committee on Appropriations Chairman Co na nag-propose ng bilyong halaga ng insertions sa 2025 National Budget ngunit itinanggi ito ng kongresista.

Kasunod naman nito ay ang utos ni DPWH Secretary Vince Dizon sa AMLC na ipa-freeze ang labing-isang in air assets na naka-register sa mga kumpanyang may kaugnayan si Cong. Zaldy Co na tinatayang aabot sa tumataginting na mahigit sa P4.7 billion.

Pero ang tanong, nasaan nga ba ngayon ang mga in air assets na ito ni Congressman? Sa isang panayam, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na nasa ibang bansa na umano ang ilan sa mga eroplano at chopper, at guess what? Sinusubukan na rin daw ibenta ang mga ito.

Isa pang katanungan, posible nga ba silang maibenta?

Kung titingnan, mukhang mahaba ang magiging proseso bago pa maibenta ang mga ito. Paliwanag nga ni Secretary, naka-register pa rin sa pilipinas ang mga nasabing assets kung kaya hindi pa ito maaaring ibenta sa ibang bansa.

Aniya, kailangan munang i-de-register ang mga ito sa Pilipinas bago ipa-rehistro sa ibang bansa. Pero paglilinaw niya, kinumpirma naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ni isa sa mga assets ay hindi pa dumadaan sa de-registration process.

Dagdag pa ni Secretary, ito rin ang mismong dahilan kung bakit isinapubliko nila ang kautusan na ipa-freeze ang mga nasabing assets, para hindi tuluyang maibenta ang mga ito kung sakali man na may magka-interes na bumili.

Samantala, siniguro naman ni Secretary Vince Dizon na nakikipagtulungan na rin sila sa mga kaukulang ahensya para alamin kung mayroon pang ibang pag-aari si Zaldy Co.

September 26, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Natatandaan niyo pa ba yung Project Nationwide Operational Assessment of Hazard o Project NOAH? Taong 2012 nang itatag ito ng Department of Science and Technology O DOST bilang isang research program sa tulong ng mga professor mula sa University of the Philippines.

Bilang prone ang Pilipinas sa mga bagyo, malaki ang naitulong ng Project NOAH sa publiko sa pamamagitan ng isinasagawa nilang research studies na pinakinabangan hindi lang ng mga normal na mamamayan kundi pati na rin ng mga local government unit sa pamamahala sa kanilang nasasakupan.

Alam niyo ba na naglabas din ng applications ang Project Noah noon? ito ang Arko, Websafe, at Project Noah. Gamit ang mga app na ito, makakatanggap ang mga user ng real-time updates hinggil sa lagay ng panahon.

Pero pagdating ng 2017, nawalan ito ng pondo at in-adopt ng University of the Philippines.

Ayon naman sa Executive Director ng Project Noah na si Dr. Mahar Lagmay sa opisyal na panayam ng DWIZ, nagtuluy-tuloy pa rin ang operasyon ng Project Noah habang nasa ilalim ng U.P. at naging kaagapay ng mga LGU.

Dagdag pa niya, mas marami pa ang magagawa at mas lalawak ang saklaw ng Project Noah kung mapopondohan sila ng gobyerno.

Pero eto na nga, speaking of pondo, mukhang mabibigyan na ng ikalawang pagkakataon ang Project Noah na ibalik at ipagpatuloy ang dati na nilang nasimulan sa mas malaking saklaw.

Matatandaan na nagpulong ang Project Noah kasama ang bagong House Speaker na si Bojie Dy III at ayon kay Dr. Lagmay, napag-usapan doon ang pagbabalik at pagbibigay ng pondo sa proyekto.

Gayunpaman, sinabi nga ni Dr. Lagmay na ongoing pa ang budget hearing para sa U.P., pero ilang opisyal na aniya ang nagpahayag ng suporta sa pagbabalik ng Project Noah.

Bakit nga naman hindi? Kung tutuusin, ngayon natin pinaka kailangan ang Project Noah, lalo na at lubog tayo sa mga kontrobersya na nag-ugat sa baha na idinulot ng masamang panahon.

September 26, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Nakakapagod isipin na nagre-recover pa lang ang karamihan sa atin mula sa pananalasa ni bagyong Nando, may pinabagong bagyo na naman na pinangangambahan at dapat paghandaan ang mga Pilipino.

Pagkalabas na pagkalabas kasi ni bagyong Ragasa o formerly Nando sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay ang siya namang pagpasok ni bagyong Opong.

Pero kahit na sanay na tayo sa taun-taong paghagupit ng mga bagyo, pagbagsak ng lupa, at pagbaha, hindi pa rin maiwasang mangamba ng mga pilipino para sa kaniya-kaniya nilang buhay.

Pero ayon kay Office of Civil Defense Spokesperson Junnie Castillo, rest assured na nakahanda ang mga tauhan ng ahensya para sa pagbibigay ng agarang saklolo sa mga biktima.

Bukod pa riyan, tiniyak din ng tagapagsalita na bukod sa kanilang mga tao ay handa rin ang relief goods na ipamimigay nila sa mga residenteng maaapektuhan ni bagyong opong dahil aniya, agad nilang pinapalitan ang mga nabawasang food at non-food items bunsod ni formerly bagyong Nando.

Bilang maraming lugar sa bansa ang prone sa mga kalamidad katulad ng bagyo, sinabi ni Spokesman Castillo na tinututukan nila ngayon ang Northern Luzon, Bicol Region at Southern Luzon dahil sa iniwang pinsala ng nagdaang bagyo.

Pero take note, wala namang mapag-iiwanan dahil nilinaw ng OCD Spokesman na naghahanda ang ahensya para sa bawat rehiyon lalo na at aniya ay palalakasin pa ni bagyong Opong ang Habagat o Southwest Monsoon na maaaring magdulot ng mga pag-ulan.

samantala, tiniyak ni Spokesman Castillo na patuloy nilang minomonitor ang mga lugar na nakaranas ng matinding pagbaha partikular na sa Region 2, 3, 5, MIMAROPA, at mangilan-ngilang lugar sa Metro Manila.

Gayunpaman, nagpaalala ang OCD na maglalabas ang Denr Mines and Geosciences Bureau ng listahan ng mga barangay na maaaring maaapektuhan ni bagyong Opong nang sa ganon ay agarang malaman ng mga residente ang mga aksyon na kakailanganin nilang gawin para makaligtas sa mas matinding pinsala ng bagyo.

September 25, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Mabalik tayo ngayon sa usapin kung saan napa-sana all ang karamihan—ang magagarang mga sasakyan ng mag-asawang Discaya. baka lang napapaisip na ang mga tao kung natabunan na lang ba ang usapin na ito. Ano na nga ba talaga ang nangyari sa mga sasakyan?

Kumpirmadong nasa garahe pa rin ng mga Discaya ang 30 nilang luxury cars pero bantay-sarado na ang mga ito ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Coast Guard (PCG).

Matatandaan na nadiskubreng kwestyunable ang pagpasok sa bansa ng 15 sa 30 mga sasakyan ng mga Discaya, at mahigit sampung empleyado naman ng BOC ang umano’y sangkot dito matapos makita ang kanilang pirma sa papeles na may kinalaman sa importation.

Sa bisa ng inihaing show cause order, pinagpapaliwanag ang mga opisyal kung bakit hindi sila dapat managot sa isyu at kung bakit sila pumirma sa mga nasabing dokumento.

Ngayong tapos na ang deadline na ibinigay para magpaliwanag ang mga ito, sinabi mismo ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa opisyal na panayam ng DWIZ na susuriin na niya ang mga dokumento na ipinasa ng mga opisyal para alamin kung mayroon bang dapat masuspinde sa mga ito.

Samantala, bukod sa mga discaya, sumunod na rin si Former DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez sa pagsuko ng isa sa kaniyang luxury cars sa Independent Committee for Infrastructure.

Patungkol dito, siniguro naman ni Commissioner Nepomuceno na makikipagtulungan sila sa pagsasagawa ng pormal na imbestigasyon NG ICI sa pamamagitan ng pagpo-provide ng mga resulta na nakalap nila mula sa isinasagawa nilang imbestigasyon.

Gayunpaman, nagtapos na rin ang ibinigay na deadline ng BOC sa mga abugado ng mga Discaya at sisimulan na nilang imbestigahan kung nabayaran ba nang tama at hindi dinoktor ang papeles ng mga nasabing sasakyan.

September 25, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Ngayong natapos na ang malawakang rally laban sa kurapsyon na nag-ugat sa maanomalyang flood control projects, nagkaroon na naman ng panibagong pulutan ang mga netizen online.

Kabilang na diyan ang pagiging agresibo ng ilang raliyista bago natapos ang kilos-protesta; ang mga slogan ng mga nakilahok na bagama’t galit na galit ay napaka-witty pa rin; at syempre, ang mga artista na matapang na isinapubliko ang kanilang political stand.

Pero wait lang, walang masama sa paglilibang pero wag magpapa-distract, dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon sa flood control scandal. Eto na nga, katatapos lang ulit ng hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.

Pero nang tanungin ang aktibista at Chairman ng Bagong Alyansang Makabayan na si Teddy Casiño sa opisyal na panayam ng DWIZ kung dapat pa nga bang ipagpatuloy ng senado at kongreso ang pag-iimbestiga gayong mayroon naman ng Independent Committee for Infrastructure (ICI), sinabi nito na kaduda-duda ang credibility ng imbestigasyon dahil sa mga umano’y sangkot na opisyal.

Ayon pa kay Chairman Casiño, mas may puder sana ang Senado at Kongreso na mag-imbestiga sa isyu kumpara sa ICI dahil limitado umano ang kapangyarihan nito at aniya’y walang kakahayan na pagsalitain ang mga nasasakdal gamit ang paghahain ng contempt.

Ang suggestion ni Chairman? Palakasin ang Ombudsman nang sa ganon ay ito na ang mag-take over sa imbestigasyon dahil ito naman daw talaga ang trabaho ng ahensya.

Ayon pa kay Chairman, sa palagay niya ay masusundan pa ang katatapos lang na kilos-protesta dahil wala pa ring resulta ang mga isinasagawang imbestigasyon sa isyu.

Gayunpaman, ilang rally pa ba ang kailangang pagsamahan ng taumbayan para lang pigain ang gobyerno? Kailangan ba talagang manawagan pa ang mga pilipino para lang makaranas ng magandang sistema sa bansa?

September 24, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Matapos ang isinagawang malawakang anti-corruption rally, malaki rin ang iniwan nitong pinsala sa mga lugar na pinagganapan ng protesta, katulad na lang ng mendiola dahil sa biglaang pagiging agresibo ng mga raliyista na naging mitsa para magkagulo bago natapos ang martsa.

Ngayon, iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung sino nga ba ang nasa likod ng naganap na kaguluhan.

Kaugnay nito, tinanong sa isang panayam si Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro kung naniniwala ba ang malakanyang na hindi lang emosyon ang nagtulak sa mga kabataan na magkagulo sa rally, kundi dahil mayroon itong bahid ng pamumulitika at intensyon na patalsikin ang Presidente sa pamumuno.

Sinabi ni Usec. Castro na sa personal niyang opinyon ay mayroong bahid ng pulitika ang nangyaring rambulan at nautusan lamang ang mga kabataang sangkot dito.

Dagdag pa niya, kung nautusan man ang mga kabataan na manggulo, paniguradong susunod ang mga ito lalo na kung sila ay binayaran.

Samantala, matatandaan na napabilang ang pangalan ng pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si dating House Speaker Martin Romualdez sa mga idinawit sa anomalous flood control projects.

Pero nang tanungin naman si Usec. Castro kung ano ang posibleng mangyari kapag mayroong nabanggit na malapit sa Pangulo sa katatapos lang na Senate Blue Ribbon Committee hearing, tiniyak ng abogada na hindi haharangin ng pangulo ang magiging resulta ng imbestigasyon, lalo na at ito mismo ang nagpasimula ng ginaganap ngayon na series of investigations.

Binigyang-diin pa niya na anuman ang kahihintanan ng imbestigasyon, dapat ay masuportahan ito ng mga proweba at hindi lang puro salita.

September 24, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Naging mapayapa ang simula ng mga isinagawang kilos-protesta laban sa kurapsyon nitong nakaraang linggo, pero pagdating ng hapon, bago matapos ang mga rally, nauwi ang ilan sa mga raliyista sa pagrarambulan, pagkakagulo, at pagiging bayolente.

Pero bukod sa mga pulis na inatasang panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa mga rally, hindi rin nawala ang mga media na umantabay sa mga kaganapan para maghatid ng timely update sa publiko.

Sa kasamaang palad, ilang media personnel ang nasaktan at nakaranas ng intimidation habang ginagawa ang kanilang trabaho.

Ayon sa Chairman ng National Union of Journalists of the Philippines na si Jonathan de Santos, maayos namang pinakitunguhan ng mga raliyista ang mga media personnel. Pero sa huli, ilang reporters pa rin ang nagkaroon ng hindi magandang karanasan habang nasa coverage at nakakadagdag ito aniya sa panganib na kinakaharap ng media.

Kasabay ng patuloy na paglaban para sa kalayaan at kaligtasan ng press people sa bansa, sinabi ni Chairman de Santos na kahit paano ay naging maluwag na ang pamahalaan sa media. Pero sadly, hindi pa rin nawawala ang threat sa mga mamamahayag.

Dagdag pa ni Chairman, ang pinaka maganda pa ring paraan para ipakita sa publiko na dapat nilang pagkatiwalaan ang media ay ang patuloy na pagbabalita nang tama at walang pinapanigan.

Sa huli, nang tanungin si Chairman de Santos kung ano nga ba ang lagay ng press freedom sa bansa, naging hati ang opinyon nito dahil sa isang kasamahan sa industriya na nananatili pa ring nakakulong, pati na rin ang kawalan ng batas hinggil sa freedom of information, at ang seguridad ng mga mamamahayag, lalo na sa probinsya.

Samantala, hiniling naman ni Chairman de Santos ang paggalang ng publiko sa mga media practitioners na nagsisilbi lang namang witness sa mga kaganapan sa bansa at ibinabalita ito para sa kamalayan ng mga Pilipino.

September 22, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Hindi na bago sa mga Pilipino ang maka-witness ng mga rally kung saan walang kapagurang nagmamartsa at nananawagan ang galit na taumbayan para magpahayag ng saloobin hinggil sa mga isyu na umiikot sa bansa.

Nitong linggo lang, isa na namang rally ang inorganisa kontra kurapsyon kung saan nagkaisa ang mga Pilipino mula sa magkakaibang sektor, relihiyon, at may magkakaibang antas ng pamumuhay.

Sa pagkakataon na ‘yon, natunghayan ang pagkakapantay-pantay ng taumbayan na kapwa nanghihingi ng katarungan at pananagutan.

Gayunpaman, hindi na yata talaga maiiwasan ng mga Pilipino na bitbitin ang kanilang biases kahit saan sila magpunta. Ayon sa political analyst na si Prof. Calilung sa opisyal na panayam ng DWIZ, dapat ay isinantabi muna ng mga raliyista ang kaniya-kaniya nilang political agenda para ipakita sa mga kurakot na nagkakaisa sila bilang pilipino, at hindi bilang supporters ng anuman o sinumang nasa politika.

Kaugnay naman sa pagkakagulo ng mga raliyista, nagpaalala ang propesor na ang pagiging bayolente ay maaaring magtulak sa gobyerno na umaksyon katulad na lang ng pagdedeklara ng martial law, na paniguradong hindi gugustuhin ng sinuman.

At eto na nga, nang tanungin naman si Prof. Calilung kung sa palagay ba niya ay natinag man lang ang mga opisyal na sangkot umano sa isyu matapos ang kilos protesta, sinabi nito na maaaring hindi man lang nabahala ang mga ito at inasahan na ang masasakit na salita mula sa taumbayan.

Binigyang-diin din niya na ang gobyerno ang dapat na makaalam sa hinaing ng mga nasasakupan nila. Dahil sa tingin niya, hindi man lang mababahala rito ang mga kurakot.

Ngayon, bukod sa nag-iwan ng aral ang mga nangyaring rally, sana naman, manatili ang mga aral na ito hanggang sa susunod na eleksyon nang sa ganon ay hindi na maulit pa ang mga kilos-protesta.

September 22, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest