Home NATIONAL NEWS EXPLAINERS

EXPLAINERS

Sinong mag-aakala na mauuwi lang sa paghihiwalayan ang isang bagong kasal na magkasintahan sa India nang dahil lang sa hindi pagkakasundo ng mga alaga nilang pusa at aso? Sa sobrang pagmamahal sa kanilang pets, ang mag-asawa na lang ang nag-adjust at naghain ng divorce para lang sa kapayapaan nilang lahat.

Ang kwento ng maigsing pagsasama ng mag-asawa, eto.

December nitong nakaraang taon nang magpakasal ang isang magkasintahan mula sa Bhopal, India matapos ma-develop sa isa’t isa bilang magkaibigan na kapwa animal lovers.

Matapos ang kasal, nagsama na sa iisang bubong ang dalawa kasama ang kaniya-kaniya nilang mga alaga at namuhay na tila isang maliit na pamilya.

Pero ang mga pets na inaasahang magsisilbing stress reliever ng kanilang owners, naging source pa ng stress ng mag-asawa dahil sa palagiang pagbabangayan ng mga ito sa loob kanilang ng bahay.

Ayon sa babae, paulit-ulit na hinarass at inatake ng alagang aso ng kaniyang asawa ang alaga niyang pusa.

Ang depensa ng lalaki, malinaw niyang sinabi bago pa sila ikasal na hindi maaaring isama ng babae ang alaga nitong pusa sa kanilang bahay dahil baka lumapit umano ito sa kanilang fish tank.

Sa kabila ng makailang beses na pagsailalim ng mag-asawa sa counseling, nanaig pa rin ang pagmamahal nila sa kaniya-kaniya nilang mga alaga at pinanigan ang mga ito.

Samantala, dahil sa trouble na dinala ng kanilang pets, naging aso’t pusa na rin ang mag-asawa na tuluyang nauwi sa paghahain ng divorce dahil sa irreconcilable differences.

Kung ikaw ang mapupunta sa kaparehas na sitwasyon, sino ang kakampihan mo? Ang partner mo ang alaga mong hayop?

October 20, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Ano ang gagawin mo kapag nakakita ka sa kalye ng cheke na nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyong piso? Dededmahin mo ba dahil baka social experiment lang ito? Aangkinin mo? O isasauli mo ito kagaya ng ginawa ng isang lalaki mula sa Connecticut? Dahil sa ipinamalas na katapatan ng lalaking ito, mula sa pagiging homeless, nagkaroon ito ng instant home at libreng edukasyon.

Ang kwento ng matapat na lalaki, eto.

Walang pagdadalawang-isip na isinauli ng isang homeless man mula sa New Haven, Connecticut, USA na si Elmer Alvarez ang natagpuan nitong cheque na nagkakahalaga ng $10,000 o mahigit 500,000 pesos.

Kung ang ilan ay sasamantalahin ang pagkakataon, si Elmer, agad na humingi ng tulong sa kaniyang kaibigan para tawagan ang numero na nasa likod ng cheque.

Ayon kay Elmer, ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya na pagdiskitahan ang cheque, lalo na at noong araw na yon ay tatlong taon na ang nakakaraan nang magdesisyon siya na magbagong buhay. Si Elmer kasi, nagkaroon na ng criminal record at minsan nang nilabanan ang drug addiction. Matagumpay ding nalampasan ng lalaki ang kaniyang mental illness.

Mabuti na lang at agad nilang natagpuan ang owner ng cheque na si Roberta Hoskie na dati rin palang homeless. Pero ngayon, isa na itong owner ng multi-million dollar real estate company.

Dahil minsan din itong napunta sa sitwasyon ni Elmer, walang pag-aalangan na tinulungan ni roberta ang lalaki na maghanap ng apartment na matitirhan nito, at siya rin ang nagbayad sa pitong buwan nitong renta.

Pero hindi pa diyan nagtatapos ang isinukling kabutihan ni Roberta kay Elmer dahil ipinasok niya rin ito sa kaniyang real estate school.

Kasunod nito ay ang pagtutulungan ng dalawa na bumuo ng transitional house para sa mga homeless teenagers and young adults. In-assign niya rin si Elmer bilang advisor sa kaniyang outreach foundation na nagbibigay ng murang pabahay sa mahihirap na pamilya.

Ikaw, naniniwala ka na rin ba ngayon sa good karma? Tandaan, ang bawat mabuting gawain ay may kapalit na biyaya. Kailangan mo lang maghintay kung kailan ito dadating.

October 20, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Nakakita na ba kayo ng kawatan na may malasakit sa biktima niya? Gaya na lang ng carnapper na ito na bumalik sa lugar kung saan siya nagnakaw ng sasakyan matapos makita sa loob nito na mayroon palang naiwanang bata. Kung bakit bumalik ang magnanakaw? Yun ay dahil sinermunan niya pa ang nanay ng bata.

Ang kwento ng good samaritan slash kawatan na ito, eto.

Umani ng mahigit 1 million likes ang isang social media post kung saan makikita ang isang hindi pinangalanang lalaki na may bitbit na car seat na may sakay na bata.

Kung titingnan, tila normal na picture lang ito. Pero ang totoo, isa talagang carnapper ang lalaki, habang ang bata sa carseat ay natagpuan niya na lang na nag-iisa sa loob ng sasakyan na ninakaw niya.

Kadalasan ay walang pakialam ang mga masasamang loob at tinatangay lahat ng makita nila kapag nakakuha sila ng pagkakataon.

Pero ibahin niyo ang carnapper na ito na naka-focus lang sa goal. Matapos niya kasing madiskubre na may kasama siyang bata, bumalik siya sa lugar kung saan niya nakita ang sasakyan para isauli ang baby sa nanay nito.

Hindi pa diyan nagtatapos ang kabaitan ng kawatan, dahil sinermunan at pinangaralan pa nito ang nanay ng bata na panandalian palang nagpunta sa isang tindahan, na huwag iiwanan ang anak nang nag-iisa sa sasakyan dahil sa panganib na maaari nitong dalhin.

Matapos panandaliang magpakabayani, bumalik ang lalaki sa loob ng sasakyan na para bang pag-aari niya ito bago tuluyang sumibat.

Napuno naman ng kwelang komento ang post kung saan mayroong nagsabi na sana man lang ay hinatid muna ng lalaki ang mag-ina sa kanilang bahay. Isang commentator pa nga ang nagsabi na ‘not all heroes wear capes, some hijack cars.’ habang ang iba naman ay pinuri ang pagkakaroon ng lalaki ng amor at mabuting puso sa bata kahit na sa huli ay tuluyan pa rin nitong ninakaw ang sasakyan.

Ikaw, sino sa tingin mo ang may pagkakamali at dapat maparusahan sa kwento na ito?

October 17, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Kadalasang pinandidirihan, hinuhuli, o pinapatay ang mga daga na kung tawagin sa Pilipinas ay ‘Mabait’ dahil maituturing ang mga ito na peste sa mga kabahayan. Pero may isang namumukod-tanging daga na hindi ngumangatngat ng mga gamit sa bahay kundi nagtatrabaho bilang detector ng tuberculosis. Ang talento ng dagang ito, nakapagligtas na ng daan-daang pasyente.

Kung gaano nga ba katagal nagsilbing bayani ang daga, eto.

Sinong mag-aakala na ang daga na iniiwasan ng marami ay magiging instrumento para makapagligtas ng daan-daang tao mula sa isang nakamamatay na sakit?

Kabilang ang African Pouched Rat na si Carolina sa participants ng isinasagawang special program ng non-profit organization na APOPO na humahasa na sa mga daga para matuto ang mga ito na mag-detect ng landmines at mag-diagnose ng mga sakit katulad na lang ng tuberculosis o TB.

Ang tb ay isang infectious disease na dulot ng bacteria na kadalasan ay tinatarget ang baga ng isang tao. Ayon sa World Health Organization, umabot sa 1.25 million katao ang bilang ng mga pumanaw dahil sa tb noong 2023.

Sa tulong ng malakas na pang-amoy ni carolina, nade-detect niya sa human sputum samples o plema kung mayroong TB ang isang tao.

Ang pagtatrabaho ng mga lab technician na inaabot ng ilang oras o araw, kayang-kayang daigin ni Carolina dahil inaabot lang ito ng ilang minuto para makapag-detect ng tb sa libu-libong mucus samples.

Dahil sa skill na ito ni Carolina, ilang kaso na ng TB ang na-detect at napigilan kung saan nakatanggap siya ng pagkain bilang reward.

Gayunpaman, pagkalipas ng halos pitong taong pagtatrabaho at pagtulong sa mga pasyente, si Carolina, nag-retire na. Isang patunay ang masipag na daga na ito na kung minsan, hindi natin kailangan ng magarbong kagamitan para humanap ng solusyon sa problema, dahil mayroon tayong sariling kakayahan na maaari nating gamiting paraan.

Ikaw, nagbago na rin ba ang pananaw mo ngayon sa mga daga matapos marinig ang kwento ni Carolina?

October 17, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Naghahanap ka rin ba ng trabaho kung saan hindi mo kakailanganing mag-effort at mapagod pero makakatanggap ka ng sweldo? Tila imposible pero mayroong teacher sa Germany na labinganim na taon nang hindi pumapasok sa trabaho pero nakakatanggap pa rin ng sahod.

Kung paano nga ba ito nangyari? Eto.

Public servants kung ituring ang mga teacher sa Germany kung kaya nakakatanggap ang mga ito ng mga benefits katulad ng pagtanggap ng sahod kahit na mag-file pa ang mga ito ng indefinite sick leave.

Kagaya na lang ng hindi pinangalanang teacher mula sa North Rhine-Westphalia na 16 years nang hindi pumapasok sa pinagtatrabahuhan nitong eskwelahan sa Wesel dahil naka-sick leave ito. Pero ang teacher, natatanggap pa rin nang buo ang kaniyang sahod.

Ayon sa local newspaper, maaaring kumita ng $7,200 o mahigit P400,000 ang mga teacher sa North Rhine-Westphalia. Kung susumahin, $1.1 million ang kinita nito sa loob ng labinganim na taon na hindi nito pagtatrabaho, o tumataginting na P67 million.

Napag-usapan lang ang sitwasyon ng nasabing teacher nang magpalit ng liderato sa kanilang eskwelahan at nire-require ito na sumailalim sa isang medical examination na patunayan na mayroon itong sakit.

Base naman sa isinagawang internal audit ng eskwelahan, lumabas na nagpapasa ng medical certificate ang guro kada buwan kahit na hindi pa nasusuri ng doktor ang kaniyang kalagayan. Hinihinala rin na nagtayo umano ito ng medical startup habang naka-sick leave.

Bilang tugon sa requirement ng paaralan, nagsampa ng kaso ang teacher laban sa kaniyang employer pero tinabla lang ito ng korte dahil may karapatan umano ang employer na manghingi ng dokumento na magpapatunay sa matagal na pag-absent ng kanilang empleyado.

Samantala, inatasan na ng korte ang teacher na magbayad ng legal fees na nagkakahalaga ng halos p179,000 at maaari ring matanggal bilang isang civil servant.

Ikaw, ginagamit mo ba sa tamang paraan ang paid leaves mo sa trabaho?

October 16, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Kadalasan ay pinag-iisipang maigi ng ibang tao ang pagkuha ng credit card dahil sa takot na mabaon sa utang kapag hindi ito nagamit nang tama. Pero ang lalaking ito sa India, walang takot sa pagkaskas ng credit card. Dahil sa pagiging active user nito, makailang beses na itong nakalibre dahil sa exclusive privileges na dala ng mga credit card.

Kung paano minamanage ng lalaki ang kaniyang expenses, eto.

Ginagamit ng marami ang credit card para sa kanilang big purchases o kung mayroon silang nais bilhin na hindi pa nila afford bayaran ng cash.

Nagdadalawang-isip din ang iba sa paga-apply para makakuha ng credit card dahil sa takot na magamit ito sa maling paraan at mauwi sa pagkakalubog sa utang.

Pero ibahin niyo si Manish Dhameja na nagmula sa Hyderabad, Talengana, India na hindi alintana ang utang na magiging resulta ng palagian niyang pagkaskas ng kaniyang credit cards, lalo na at mayroon itong kalakip na benepisyo.

Maniniwala ka ba na dahil sa aktibong paggamit sa mga credit card ay maaari kang makalibre at makatipid? Katulad ni manish na ilang beses nang nakatanggap ng complementary flight tickets, libreng access sa airport lounge, hotel vouchers, shopping vouchers at marami pang iba.

Sa katunayan, nakaligtas din si Manish mula sa pagpila sa bangko para mag-abang sa paglabas ng bagong banknotes sa India noong 2016 matapos tanggalan ng gobyerno ng bisa o halaga ang lahat ng 500 at 1000 Indian rupees mula sa Mahatma Ghandi Series.

Ito’y dahil sa maagang pag-adopt at pagtangkilik ni Manish sa digital money o cashless transactions. Aniya pa nga, hindi kumpleto ang buhay niya kung wala siyang credit cards.

Dahil dito, pinarangalan si Manish ng Guinness World Record noong 2021 ng largest collection of valid credit cards. Partida, kahit na umabot ng 1,638 ang mga credit card ni Manish, namumuhay ito nang walang utang dahil on time siyang magbayad ng bill.

Ang kwento na ito Manish, isang halimbawa at paalala na hindi dapat katakutan ang paggamit ng credit card. Ang tunay na dapat mong katakutan ang sarili mo na lalo na kung wala kang kontrol sa pagiging gastador.

Ikaw, on time ka ba magbayad ng credit card bill mo o naaaligaga ka na ngayon dahil sa patung-patong na utang?

October 16, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Nagiging insecurity para sa ilan, partikular na sa mga kalalakihan, ang pagiging maliit dahil naaapektuhan nito ang kanilang self-confidence. Pero ang teenager na ito sa China, nabigyan ng pagkakataon na tumangkad sa pamamagitan ng pagbabayad ng treatments. Pero dalawang linggo lang ang lumipas, bumalik din ang dati nitong height.

Talaga nga bang wala nang tyansa na tumangkad pa ang isang tao o sadyang hindi lang epektibo sa bata ang treatment? Ang katotohanan, eto.

Pebrero ngayong taon nang sumailalim ang 16-year-old na lalaki mula sa China sa body lengthening treatment para pataasin pa ang kaniyang height na 165 centimeters o 5 flat 5 inches.

Anim na buwan ang itinagal ng treatment sessions, at pagdating ng august, nadagdagan ng 1.4 centimeters ang height ng binata at naging 166.4 centimeters na.

Ayon sa ulat, linggo-linggong sinasamahan ng tatay ang kaniyang anak sa ospital para sa treatment. Pero nang hindi ito nakapunta sa loob ng dalawang linggo, bigla na lang bumalik ang dating height ng binatilyo.

Dahil dito, agad na nagtungo ang tatay sa ospital para magreklamo. Ang ospital, ibinalik ang pera na ibinayad ng mag-ama.

Inamin din nito na hindi na tatalab ang treatment dahil hindi na pala angkop ang edad ng binata para rito. Ikinadismaya naman ito ng tatay dahil hindi man lang sila inabisuhan ng ospital bago pa nagsimula ang sessions.

Ayon sa ospital, ang mga buto sa tuhod ng mga pasyente ang tinatarget ng treatment, lalo na at kabilang dito ang stretching.

Pero ayon sa endocrinologist mula sa Peking Union Medical College Hostpital na si Wu Xueyuan, maaaring makatulong ang pagse-stretching para tumangkad ang isang tao pero hindi ito permanente.

Samantala, nilinaw niya na walang scientific proof na nakakapagpatangkad ang pwersahang pagii-stretch ng mga buto. Dagdag pa ni Wu, habang bata pa ay matulog na sa tamang oras at mag-exercise para sa mas mataas na tyansa na tumangkad sa pagtanda.

Ikaw, insecurity mo ba ang height mo? Kung ganon, gagawan mo pa ba ito ng paraan o tatanggapin mo na lang talaga?

October 15, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Kung nawawalan ka na ng pag-asa sa buhay, pakinggan mo ang kwento ng isang lalaki sa Japan na hindi nagpatinag sa panahon at hindi tumigil sa paghahanap sa nawawala niyang misis na biktima ng tsunami 14 na taon na ang nakararaan. Sa dedikasyon ng lalaki na muling makita ang kaniyang asawa, nag-aral pa ito kung paano mag-dive.

Ang kwento ng nangungulilang mister, eto.

Nagtatrabaho noon sa isang bangko sa Onagawa, Japan ang misis ni Yasuo Takamatsu na si Yuko nang tumama sa bansa ang malaking tsunami noong march 11, 2011 kung saan mahigit 2,000 katawan ang hindi pa rin natatagpuan.

Nang mangyari ang trahedya, umakyat si Yuko kasama ang mga katrabaho niya sa pinakatutok ng kanilang building na may taas na 30 feet.

Sa kasamaang palad, umabot ng 60 feet ang tsunami na siyang naging dahilan ng pagkawala ni Yuko.

Ika nga nila, kapag nawalan ka ng mahal sa buhay, kahit kailan ay hindi ka makaka-move on at ang tanging magagawa mo na lang ay ang magpatuloy.

Pero ang mister ni Yuko na si Yasuo, nagpatuloy sa kaniyang buhay habang bitbit pa rin ang pag-asa na matatagpuan niya ang kaniyang asawa kahit na 14 na taon na ang nakalilipas nang tangayin ito ng tsunami.

Dahil sa kagustuhan na mabigyan ang kaniyang misis ng maayos at pormal na libing, nag-aral si Yasuo kung paano mag-dive at mahigit isandaang beses nang sinuong ang dagat ng Fukushima.

Gayunpaman, hindi sinukuan at hindi alintana ni Yasuo ang malamig na tubig ng dagat dahil aniya, nararamdaman niya na mas malapit siya sa nawawala niyang asawa habang nasa dagat siya.

Ikaw, sa paanong paraan mo ipapakita ang pagmamahal at pagresepto mo sa partner mo kapag hindi mo siya kasama?

October 15, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Ika nga nila, hindi mo kasambahay ang asawa mo, kaya hindi mo dapat iasa rito ang lahat ng gawaing bahay. Kung kaya nga ang misis na ito mula sa Atlanta, sinisingil ang kaniyang asawa sa tuwing nakakalimot ito sa nakatoka sa kaniya na gawaing bahay.

Kung gaano na nga ba kalaki ang binayaran ng makalat na mister, eto.

Nagiging mitsa ng pagtatalo ng mga mag-asawa ang pagiging tamad sa gawaing bahay at pagiging makalat sa gamit. Pero ang mautak na misis na si Jess mula sa atlanta, nakaisip ng magandang strategy para pakilusin ang kaniyang mister na si DJ sa loob ng kanilang bahay.

Kada linggo, nagsasalitan ang mag-asawa sa mga house chores na nakatoka sa kanila sa loob ng pitong araw, at kapag nakalimot si DJ sa mga trabahong naka-assign sa kaniya, binibilang ito ni Jess at pinepresyuhan.

Ang halaga kasi ng bawat atraso ni DJ, nakadepende sa level ng inis na mararamdaman ng kaniyang misis.

Halimbawa, kinakailangan ni DJ magbayad ng $5 o P290 sa tuwing makakalimutan nito na takpan ang toothpaste. Kapag nakalimutan naman nitong maglaba ay mahigit P500 hanggang P1000 ang multa nito.

Sa ganitong strategy, nagagawa ring kumita ni Jess dahil ginagamit niya ang monthly fine ni DJ para i-spoil ang kaniyang sarili o idinadagdag sa kaniyang savings.

Ayon naman kay DJ, pabor sa kaniya ang sistema na ipinatupad ni Jess sa kanilang bahay. Hindi na kasi kinakailangan pang sumigaw ng kaniyang misis para manermon, habang ang kailangan na lang gawin ni DJ ay pagbayaran ang pagiging makakalimutin niya sa gawaing bahay.

Pero paglilinaw ni DJ, hindi niya sinasadya na hindi kumilos sa bahay, sadyang hindi lang daw talaga gaanong masinop. Sinabi niya rin sa isang pahayag na ang strategy na ito ay ang paraan nilang mag-asawa para panatilihin ang kapayapaan sa kanilang bahay.

Sa mga may asawa diyan, anong strategy ang ginagawa niyo para siguraduhin na pareho kayong kumikilos para sa kaayusan ng bahay at buhay niyo?

October 14, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest

Kagaya sa pelikula, nagpupunta ang bida sa simbahan para ipagdasal na magkaroon na siya ng lovelife. Pero ang bagong kasal na ito, literal na answered prayer ang isa’t isa dahil sa simbahan lang naman sila nagkakilala bilang isang madre at seminarista.

Kung paano nga ba nabuo ang pagmamahalan nila sa simbahan, eto.

Nagsilbi noon bilang misyonero sa isang Catholic Church sa Brazil si Lais Dognini bago pumasok sa Carmelite Convent para maging madre.

Pero bago maging isang ganap na madre, nakilala ni Lais sa simbahan ang seminarista na si Jackson at madalas na nakakasalamuha ito noon ngunit ni minsan ay hindi sila nagkausap.

Makalipas lang ang dalawang taon, kinailangang umuwi ni lais para magpahinga matapos makaranas ng dysthymia o mild, long-lasting form of depression.

Nang mabalitaan ito ni Jackson ay nagpadala ito ng mensahe kay Lais at sinabi na ipagdarasal niya ang paggaling nito. Simula nito, palagian nang nag-usap ang dalawa at naging magkaibigan.

Matapos pag-isipan nang maigi ang kaniyang bokasyon, si Jackson, lumabas ng seminaryo. Habang si Lais naman ay naging social media influencer.

Ang pagkakaibigan ng dalawa, nauwi sa pagmamahalan at naging opisyal na magkasintahan noong april 2024. Noong una ay itinago pa ng dalawa ang kanilang relasyon pero tuluyan din nila itong ibinahagi sa social media matapos magpakasal.

Samantala, namumuhay ngayon bilang mag-asawa ang dalawa sa Jaragua Do Sul, Brazil kung saan nagtuturo si Jackson ng philosophy.

Ikaw, dumating na rin ba ang answered prayer mo?

October 14, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest