Sa kabila ng kontrobersyal na impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, nakuha ng Kamara ang pinakamataas nitong trust rating sa huling buwan ng 19th Congress.
Ayon kay Congressman Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, isa sa mga lider ng House Young Guns, hindi karaniwan ang ganitong resulta lalo na sa panahon ng matinding political tension.
Kadalasan anya kapag papatapos na ang isang partikular na kongreso, bumababa ang tiwala ng tao, lalo na ngayong mainit ang isyu ng impeachment subalit kabaliwan ang nangyari.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, umakyat sa 57 percent ang public trust sa mababang kapulungan noong Hunyo, mula sa 34 percent noong Abril at 49 percent noong Mayo.
Kasabay nito, tumaas din ng 11 points ang tiwala ng publiko kay Speaker Martin Romualdez, sa kabila ng kanyang pagiging tahimik sa gitna ng mainit na usapin.
Para kay Adiong, sa halip na maapektuhan ng impeachment issue, ipinakita ng Kamara ang disiplina at dedikasyon nito sa trabaho.