Paniguradong ang iba sa atin ay nasungitan na rin ng mga staff sa mga establisyimentong napuntahan natin na madalas ay dala ng pagod nila sa trabaho. Pero alam niyo ba na ipinagbabawal na ito ngayon sa laguna? Partikular na sa mga hospital workers, lalo na pagdating sa mga pasyente.
Ang detalye ng bagong patakaran na ito, eto.
Pagkaupo pa lang sa pwesto ng bagong gobernador ng Laguna na si Sol Aragones, agad na nitong tinupad ang kaniyang pangako noong panahon ng pangangampanya na ipagbawal sa mga hospital workers ang pagsusungit.
Ang bagong gobernador kasi, naglabas ng executive order kung saan pormal nang ipinagbabawal sa mga hospital workers sa Laguna, lalo na sa mga nasa public hospitals, ang pagsusungit sa mga pasyente.
Ayon sa gobernadora, nais niyang siguraduhin na natutugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng mga residente sa Laguna habang tinitiyak na may puso ang serbisyong matatanggap ng mga ito.
Pero batid din niya na maaaring dala ng pagod at kakulangan ng tauhan sa kanilang trabaho ang dahilan kung bakit nagiging iritable ang mga hospital workers.
Samantala, inilagay naman sa siyam na district hospitals sa laguna ang mga posters na nagpapaalala sa publiko at sa mga trabahador na “bawal ang empleyadong mataray.”
Para sa mga laging nasasabihan na masungit diyan, pwede niyo bang i-share ang dahilan kung bakit lagi kayong bugnutin sa trabaho?