Hinimok ni Senadora Nancy Binay ang Department of Education (DepEd) na magpalabas ng bagong panuntunan at direksyon sa mga pribadong paaralan.
Kaugnay ito ng kung papaano makapagpapatuloy ang mga private school na nakapagsimula na ng klase at gayundin ang pagpapahintulot sa mga handa nang pribadong paaralan na makagbukas ng klase sa Agosto a-24.
Ito ay matapos namang ianunsyo ng DepEd ang pagpapaliban sa pagbubukas ng klase sa Oktubre a-5.
Ayon kay Binay, makabubuting payagan na lamang ang mga pribadong eskuwelahan na nakapagsimula na ng pasukan na ipagpatuloy ito para hindi na magambala ang mga klase.
Sakali naman aniyang hindi pa handa ang isang pribadong eskuwelahan, bigyan dapat ito ng laya ng DepEd na magsimula ng klase bago o mismong sa Oktubre.
Binigyang diin naman ni Binay na ikinalugod nila ang naging pasiya ng DepEd na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase pero kanyang iginiit na dapat gamitin ng kagawaran ang panahon para maplantsa ang mga inaasahang hamon sa mga pampublikong paaralan.