Umakyat na sa labingwalo (18) katao patay habang 21 ang nasugatan sa hagupit ng bagyong Lando.
Sa ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, kinilala ang mga nasawi na sina Benita Famanilay na nadaganan ng gumuhong pader sa Subic, Zambales at Rannel Castillo na nabagsakan ng nabuwal na punong kahoy sa Quezon City.
Ayon naman kay Rosario Cabrera, Director ng Office of Civil Defense (OCD) Western Visayas, 7 ang nasawi sa paglubog ng bangka sa Iloilo at dalawa pa ang nawawala sanhi ng malalakas na alon na epekto ng bagyong Lando.
Sa ulat naman ni Benguet Gov. Nestor Fongwan isa rin ang nasawi sa landslide sa kasagsagan ng bagyong Lando sa Brgy. Dalipey, Bakun, Benguet na kinilalang si Fernando Gumpad.
Sa ulat ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali, dalawa rin ang bangkay na natagpuan na tinatangay ng agos ng tubig baha na inaalam pa kung residente ng kanilang lalawigan.
Isang anim na taong gulang na batang babae din ang nawawala matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig baha sa Nueva Vizcaya.
Base naman sa report ng pulisya, dalawa katao ang nasawi na kinilalang sina Hazel Pacose at Eddie Panan matapos na sumalpok ang sinasakyan van ng mga ito sa puno ng gemelina sa Gonzaga, Cagayan sanhi ng madulas na daan sa pananalasa ng bagyong Lando. Tatlo rin katao ang iniulat na nasugatan sa insidente.
Isa rin ang napaulat na nalunod sa Dinalungan, Aurora.
Sa report naman ng Caraga Police, 1 katao ang nasawi na kinilalang si Teofilo Saguin at 26 ang nailigtas matapos na lumubog ang isang pampasaherong bangka sa karagatan ng Brgy. Zaragoza, Surigao City, Surigao del Norte.
By Mariboy Ysibido