Bumaba ang bilang ng mga evacuees bunsod ng patuloy na pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Ito’y matapos ianunsyo ng mga concerned agencies na maaari nang bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng naninirahan sa labas ng 8-kilometer danger zone.
Sa isang panayam, sinabi ni Office of the Civil Defense o OCD Bicol Director Claudio Yucot na malayo na sa peligro ng aktibidad ng mayon ang mga residente sa 9-kilometer extended danger zone kung kaya’t pinabalik na ang mga ito sa kanilang tirahan.
Ayon kay Yucot mula sa dating mahigit 22,000 na bilang ng mga pamilya ng evacuees, ay bumaba na ito sa 20,204 na lamang ito.
Ngunit nilinaw ni Yucot na maaaring muling mabago ulit ito depende sa ipinapakitang aktibidad ng bulkang Mayon.
Dagdag ng opisyal, handa silang pabalikin muli sa evacuation center ang mga residenteng bumalik na sa kanilang bahay sa oras na magpakita muli ng mataas na lebel ng aktibidad ang bulkan.
Gayunman, pinaalalahanan ng mga eksperto ang mga residente kaugnay sa posibleng nakaambang panganib pa rin dulot ng pag-aalburuto ng bulkan.
Ayon kay Winchell Sevilla, volcano specialist ng PHIVOLCS batay sa kanilang pag-aanalisa sa pinapakita ngayon ng bulkan, hindi pa rin ito tuluyang kalmado at posibleng anumang oras ay magbuga muli ito ng mataas na lebel ng pyroclastic density materials.
Giit ni Sevilla ito ang dahilan kaya’t nanatili pa rin na nakataas sa alert level 4 ang bulkang Mayon.
—-