Nagtaas ng red tide alert ang BFAR o Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa ilang bahagi ng Palawan, Western Samar, Surigao Del Sur at Bohol.
Sa inisyung shellfish bulletin ng BFAR, nag positibo sa paralytic shellfish poison ang Puerto Princesa Bay sa Palawan; San Pedro, Aqueda, Irong Irong, Silanga at Cambatutay Bays sa Western Samar; Lianga Bay sa Surigao Del Sur at mga katubigang bahagi ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol.
Sinabi ng BFAR na lahat ng uri ng shellfish at alamang na makukuha sa mga naturang katubigan ay hindi ligtas kainin.
Maaari namang kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimasag subalit kailangang hugasang mabuti ang mga ito at maalis ang lamang loob bago iluto.
Inalis naman na ng BFAR sa red tide alert list ang Balite Bay sa Mati City sa Davao Oriental.