Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa senado ang panukalang naglalayong gawing permanente ang validity ng birth, death, at marriage certificates.
Sa botong 21-0, inaprubahan ng mga senador ang Senate Bill 2450 o ang Permanent Validity of the certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act.
Sa ilalim nito, ang nasabing certificates na iniisyu at sinisertipikahan ng Philippine Statistics Authority (PSA), National Statistics Office (NSO) at Local Civil Registries (LCR) ay magkakaroon ng permanenteng bisa, anuman ang date of issuance.
Tatanggapin at kikilalanin rin ang mga ito sa lahat ng government o private transactions, o mga serbisyong nangangailangan ng proof of identity at legal status ng isang mamamayan.