Patay ang isang 11 taong gulang na batang lalaki dahil sa pinaniniwalaan umanong online challenge o tinatawag na “Momo Challenge”.
Kinilala ang biktima na si Chlyv Jasper Santos o CJ na nagpatiwakal umano habang nasa paaralan sa Quezon City.
Ayon sa ina ni CJ na si Paula Bautista, nang nasa ICU ang kaniyang anak ay nagsalita pa ito at sinabing kaniyang susundin ang kaniyang master at akin silang papatayin.
Naalala rin ni Ginang Bautista na nakwento sa kaniya noon ng kaniyang anak na mayroon itong kaklase na nananakit ng sarili.
Dito aniya niya tiningnan ang mga palitan ng mensahe ni CJ at naturang kaklase at nadiskubre ang mga nakababahalang usapan tungkol sa suicide games.
Maging ang mga search history umano ng kaniyang anak sa internet ay puro tungkol sa tinatawag na ‘Dark Web’ at gaya nga ng ‘Momo Challenge’.
Dahil dito, kinutuban si Ginang Bautista na ang naturang mga online challenge ang nagtulak sa kaniyang anak para kitlin nito ang sariling buhay.
Magugunitang noong 2016 ay napaulat din ang paglaganap sa ibang bansa ng tinatawag na ‘Blue Whale Challenge’ na nagbubuyo rin sa mga kabataan na saktan ang kanilang sarili.
Youtube nilinaw na walang indikasyon ng “suicide-inducing contents” sa kanilang platform
Nilinaw ng Youtube na walang indikasyon na mayroong mga nilalamang naghihimok na magpatiwakal o “suicide-inducing content” ang kanilang platform.
Ito’y sa gitna ng pangamba ng ilang netizen matapos ang pagpapakamatay ng 11 anyos na lalaki sa Quezon City matapos umanong ma-impluwensyahan ng suicide games at online searches.
Ayon kay Ailene Dela Rosa, senior public relations manager ng strategic works incorporated na kumakatawan sa Youtube sa Pilipinas, inaalis nila ang mga content na maaaring may masamang epekto sa mga viewer.
Maaari naman anyang i-click ng mga user ng Youtube Kids App ang “search off” upang maging limitado lamang ang mga video na mapapanood ng mga bata.
Pwede ring i-filter ng mga magulang ang channels at videos sa Youtube Kids sa pamamagitan ng “parent approve mode.”
Contributor: Drew Nacino