Niratipikahan na ng Senado ang BBL o Bangsamoro Organic Law.
Inaasahang maipadadala ito ng Senado sa Malacañang upang maisabatas bago ang State of the Nation Address o SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte mamayang hapon.
Isinasaad sa BBL na kailangang magpatawag ng plebisito ang pamahalaan, syamnapu (90) hanggang isandaan at limampung (150) araw matapos itong malagdaan ng Pangulo.
Isasalang sa plebisito kung payag ang mamamayan ng 39 na barangay ng North Cotabato at anim na munisipalidad ng Lanao del Norte na mapasama sila sa masasakupan ng bagong Bangsamoro Autonomous Region.
House of Representatives
Bigo namang maratipikahan sa Kamara de Representates ang Bangsamoro Organic Law.
Ito ay matapos na agad ding mag-adjourn ang unang regular na sesyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso pasado alas-12:00 ng tanghali makaraan namang buksan kaninang alas-10:00 ng umaga.
Hindi inaasahan ang mosyon ni House Assistant Majority Leader at Pampanga 4th District Representative Juan Pablo “Rimpy” Bondoc na i-adjourn ang sesyon at magbalik na lamang mamayang alas-4:00 ng hapon para sa SONA.
Inaprubahan naman ito ni Deputy Speaker Gwendolyn Garcia kahit pa sinubukang tutulan ito ni Camarines Sur 1st Representative Rolando Andaya Jr.
Dahil dito, hindi na naratipikan pa ang Bangsamoro Organic Law gayundin, hindi na natalakay ang balitang pagpapatalsik kay House Speaker Pantaleon Alvarez.—Krista de Dios
(Ulat nina Cely Bueno at Jill Resontoc)