Aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato ang proposal na alisin ang kontrobersyal na ban sa open-pit mining.
Ito ang magbibigay-daan sa pagbabalik ng natenggang $5.9-B o P295-B Tampakan Project, ang pinaka-malaking untapped copper-gold minefield sa South East Asia.
Ang Amendment sa environment code, partikular sa pagtanggal sa ban sa open-pit mining, ay inaprubahan ng sangguniang members na present sa Plenaryo, sa ikalawang pagbasa.
Pinangunahan ang sesyon ni Board Member Glycel Mariano-Trabado, kapalit ni Vice Governor Vicente De Jesus, na naka-leave.
Present naman sa Plenary session sina Board Members Hilario De Pedro VI, principal author ng proposal, Edgar Sambog, Dardanilo Dar, Noel Escobillo, Antonio Fungan, Eamon Gabriel Mati, Henry Ladot, Rolando Malabuyoc, Alyssa Marie Fale, at Rose Grace Achurra.
Una nang inihayag ni De Pedro, Chairman ng Committee on Environment and Natural Resources, sa isang campaign sortie, na tutol siya sa open-pit mining taliwas sa kanyang naging desisyon sa sesyon kahapon.
Simula pa noong 2010, ipinagbawal ang open-pit mining sa Tampakan Mining Project, na pinupursige naman ng Sagittarius Mines Incorporated simula pa noong taong 2000, dahil isa ang nasabing minahan sa may pinaka-malaking undeveloped copper-gold minefield sa mundo.