Magkakaroon ng panibagong bugso ng balasahan sa Philippine National Police (PNP) ngayong buwan bunsod ng nakaambang pagreretiro ng tatlong matataas na opisyal.
Nabatid na si PNP comptroller Maj. Gen. Emmanuel Licup ay magreretiro sa Ika-9 ng Abril habang sa ika-10 naman ng Abril ay sasapit din sa kanyang mandatory retirement age na 56 si PNP spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana sa ika-20 ng Abril.
Sa ika-24 naman ng Abril ay magreretiro rin si Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, Deputy Chief for operations at hepe ng Joint Task Force Covid Shield.
Sinasabing sa ika-8 ng Mayo ngayong taon ay nakatakda rin ang pagreretiro ni PNP Chief Gen. Debold Sinas habang sa ika-13 naman ng Nobyembre si Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Guillermo Eleazar.
Sina Eleazar, Sinas, Binag at Licup ay kapwa miyembro ng Philippine Military Academy Hinirang Class of 1987 habang si Usana naman ay kasapi ng PNP Academy Class of 1988.