Naniniwala ang isang ekonomista na makaaapekto sa ekonomiya ng bansa ang balasahan sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Prof. Astro del Castillo, mararamdaman ng karamihan ng sektor ng ekonomiya ang malawakang desisyon ng Pangulo.
Maaapektuhan rin aniya ng rigudon ng gabinete ang mga polisiya at programa ng bansa tulad ng nangyari sa mga nagdaang administrasyon.
Naniniwala si Prof. Castillo na matagalang bago maging gamay sa trabaho ang mga bagong miyembro ng gabinete.
Nagbibigay rin aniya ng kalituhan sa merkado ang desisyon ng Presidente dahil sa kabila ng pag-uulat ng mga matagumpay na hakbangin ng pamahalaan nitong mga nagdaang buwan ay biglang nagkaroon ng balasahan.
Binigyang-diin ng ekonomista na ang Pilipinas ay may mababang track record pagdating sa ‘continuity’ o tuloy-tuloy na pag-usad ngunit may mabuting record sa kawalan ng katiyakan.
Lalo rin aniya magpapagulo ang desisyon ni Pangulong Marcos sa napipintong impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio.