Inaprubahan na ng Department of Science and Technology o DOST ang P1.8 million grant para sa “Smart City” initiative ng Dapitan City.
Ayon kay DOST Zamboanga del Norte Director Nuhman Aljani, ang grant ay suporta nila sa implementasyon ng CHARM Technology ng lungsod.
Lumagda na rin sa isang memorandum of agreement sina Aljani at City Mayor Seth Frederick Jalosjos para sa nasabing proyekto.
Ang CHARM o ‘Charging in Minutes’ ay isang pasilidad kung saan maaaring i-charge nang mabilis ang mga electric o e-vehicles.
Gilbert Perdez
Umarangkada na ang “trash trap” projects ng Department of Environment and Natural Resources-Northern Mindanao o DENR-10.
Ayon kay DENR-10 Executive Director Henry Adornado, layunin nitong maibsan ang mga lumulutang na basura sa dalawang barangay sa Cagayan de Oro City.
Kabilang naman ang Brgy. Lapasan at Brg. Puntod sa pilot areas ng proyekto na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso.
May karagdagan din na isang daang libong piso na pondo para rito na hahawakan ng mga caretaker ng programa.
Bullying incidents sa mga ospital at klinika sa bansa, pinaiimbestigahan ni Sen. Tulfo
Pinaiimbestigahan ni Sen. Raffy Tulfo ang umano’y bullying incidents sa mga ospital at klinika sa bansa.
Batay sa Senate Resolution No. 467, kabilang sa mga apektado ng pambu-bully ay ang mga clerks, interns, residents, nurses at iba pang medical professionals.
Maituturing aniya itong banta sa pisikal, psychological o mental health at kaligtasan ng mga apektadong manggagawa.
Binanggit ng senador ang aklat na sinulat ni Dr. Erwin Manzano na pinamagatang “Hospital Bullies in the Philippine Clerkship and Residency Training” kung saan isiniwalat nito na may mga ospital at klinika na tila kinukunsinti pa ang kultura ng bullying.
Partikular na tinukoy ang mga junior residents, trainees, clerks at iba pang mabababa ang ranggo bilang mga biktima ng pambu-bully habang mga senior at consultants naman umano ang mga salarin.
Plano ng Bureau of Corrections o BuCor na i-develop ang 270-hectare property na pag-aari nito sa Tanay, Rizal.
Ayon kay BuCor Acting Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ang bureau pa rin ang may-ari ng property na sinasabing inaangkin ng Masungi Georeserve Foundation.
Sinabi ni Catapang na balak nilang magtayo ng mga headquarters at residential sites para sa mga empleyado ng Bucor.
Binigyang diin ng opisyal na dahil ang BuCor ang registered owner ng subject property ay ito pa rin ang may karapatang gumawa ng anumang aktibidad sa lugar.
Lokal na lider ng bansa, hinimok ni VP Duterte sa pagtuguyod ng integridad at pairalin ang pagkakaisa
Hinimok ni Vice President Sara Duterte ang mga lokal na lider na itaguyod ang integridad at pairalin ang pagkakaisa upang mailatag ang tunay na serbisyo publiko.
Ang pahayag ay ginawa ni Duterte sa joint mass oathtaking ng Davao de Oro at Davao del Norte Lakas-CMD sa Tagum City Historical and Cultural Center.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na kaakibat ng pagiging miyembro ng partido ay ang pagtanggap sa hamon na magkaisa tungo sa iisang layunin at ito ay ang pagsisilbi sa mamamayan.
Samantala, nagpasalamat naman ang bise-presidente sa Korte Suprema sa pagbibigay nito ng payo sa kanya para sa posibleng partnership sa pagitan ng Department of Education at Integrated Bar of the Philippines o IBP.
Tinanggal na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang fishing ban sa Kabisayaan.
Ayon sa BFAR, wala namang iniulat na lumabag sa tatlong buwan na ‘closed fishing season’.
Nagpasalamat din ang ahensya sa pakikiisa ng mga fishing stakeholders, kabilang ang mga mangingisda sa iba’t ibang bayan.
Matatandaang ipinag-utos ng BFAR ang pagbabawal sa paghuli, pagbebenta at pagbili ng sardinas, herring at mackerel species sa Visayan Sea.
Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbubunga na ang mga kasunduang nilagdaan niya sa kanyang mga biyahe sa ibayong dagat.
Ito ang sinabi ng Presidente makaraang makipagpulong sa mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) at Office of the Presidential Assistant on Investment and Economic Affairs.
Hinihimay na aniya ang mga detalye ng lahat ng Memorandum of Agreements at Letters of Intent na pinirmahan sa iba’t ibang bansa kung saan tinukoy na may resulta na ang mga kasunduan sa Indonesia at Singapore.
Posibleng masimulan na rin aniya sa mga susunod na ilang linggo ang inagurasyon ng mga hindi binanggit na proyekto.
Kasabay nito, binanggit naman ni DTI Sec. Alfredo Pascual sa Pangulo na mahigit isang daang proyekto na nagkakahalaga ng P3.48 trilyon ang nalikom mula mga biyahe nito sa labas ng bansa.
Nakatakdang dumalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa taunang Philippine Military Academy Alumni Homecoming sa Fort del Pilar sa Baguio City.
Ayon kay Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil, inaasahang darating ang Pangulo bandang alas-nuebe ng umaga bukas sa Fort del Pilar para sa saksihan ang reunion ng mga nagsipagtapos sa PMA.
Kasama sa mga nakatakdang programa ang Lifetime Achievement Awards habang pararangalan din ang mga Cavalier Awardees at Pandemic Heroes Awardees.
Manunmpa rin ang mga bagong Board of Directors ng PMA Alumni Association Incorporated na pangungunahan din ni Pangulong Marcos Jr.
Dahil kakaunti na lamang ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa, inaasahang dadagsa muli ang mga miyembro ng PMA sa event na natigil ng ilang taon dahil sa pandemya.
Ito rin ang kauna-unahang pagdalo ni PBBM sa Alumni Homecoming ng mga nagsipagtapos sa PMA mula nang mahalal bilang Presidente noong May 2022.
Muling hinimok ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga taxpayer na magbayad nang tamang buwis sa tamang oras.
Sa kanyang pagdalo sa Regional Tax Campaign kickoff ng Revenue Region No. 7B-East NCR sa SM Megamall sa Mandaluyong City kahapon, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na asahan na ang mas pinaigting na kampanya nila laban sa mga mapagsamantalang negosyante.
Magkakaroon aniya ng pagbabago sa mga susunod na araw tulad ng digitalization transformation kung saan mas magiging madali naman ang pagbabayad ng buwis ng mga taxpayer.
Samantala, nagbabala rin si Lumagui sa mga negosyante na maging patas sa kanilang mga transaksiyon.
Sinabi ni Lumagui na isa sa mga tututukan ng kanilang kampanya laban sa tax evasion ay ang pamemeke aniya ng resibo ng ilang traders.
Subsidy at financing programs para sa mga magsasaka, isusulong ng administrasyon
Patuloy na isusulong ng pamahalaan ang mga programang makatutulong sa mga magsasaka.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ito’y sa pamamagitan nang pagpapabilis sa proseso ng pagpapautang para sa mga Filipino farmers.
Maliban sa loan financing program, magkakaroon din aniya ng subsidy program na siguradong pakikinabangan ng mga magsasaka sa bansa.
Matatandaang inaprubahan ni PBBM ang isang proyekto na inaasahang magpapataas sa crop production matapos makipagpulong sa isang pribadong kompanya at sa isang grupo ng mga magsasaka sa Gitnang Luzon para sa naturang programa.