Sa mga pet lovers diyan, sa paanong paraan niyo sinisigurado na hindi magdadala ng kapahamakan sa inyo at sa mga kapitbahay niyo ang mga inaalagaan niyong hayop? Ang pamilya kasi na ito sa Pakistan, naaresto matapos mag-alaga ng leon sa kanilang bahay. Hindi lang yan, naka-perwisyo rin ito at nang-atake ng mga residente matapos makatakas.
Kung ano ang kinahinatnan ng nakatakas na leon, eto.
Nahuli sa CCTV kung paanong nakaakyat at lumundag mula sa pader ang isang alagang leon at hinabol ang isang babae at dalawang mga bata sa lungsod ng Lahore sa Pakistan.
Kitang-kita kung paano dumapa sa kalsada ang dinambaan nitong ginang bago nagtatakbo papalayo.
Ayon sa mga ulat, nagtamo ng mga pasa at galos sa katawan ang ginang, habang naospital naman ang mga batang hinabol nito na edad syete-anyos at singko-anyos.
Samantala, naaresto na ng mga otoridad ang mga nagmamay-ari ng leon at naakusahan na wala umanong lisensya ang mga ito at naging pabaya kung kaya nakatakas ang mabangis na hayop. Mahaharap ngayon ang mga ito sa pitong taon na pagkakakulong o magbabayad ng multa na aabot ng $17,500 o mahigit P900,000.
Matapos nito ay kinumpiska na ang nasabing leon at dinala sa isang safari park sa kanilang lugar.
Bukod sa umatakeng leon, nagsagawa rin ng raid ang Wildlife and Parks Department sa 38 lion and tiger breedings farms kung saan 18 mga hayop ang nakumpiska at walong mga indibidwal ang naaresto.
Ayon sa director general ng departamento na si Mubeen Elahi, ang pag-aalaga ng mga leon ay kinakailangan ng lisensya at mayroong dapat sundin na tamang sukat ng kulungan at standard operating procedures.
Samantala, napag-alaman na ang pag-aalaga pala ng mga leon ay isang simbolo ng kapangyarihan at para sa mga pakistani, isa naman itong simbolo ng kaymanan.
Sa mga naghahangad na mag-alaga ng mababangis na hayop diyan, bago kayo magdesisyon, isipin niyo muna nang maigi ang magiging kapakanan, hindi lang ng hayop, kundi lalo na ng mga taong nakapaligid sa inyo.