Naniniwala si Senate President Vicente Sotto III na may matindi nang pangangailangan para maisabatas ang panukalang pagbuo ng Independent People’s Commission na magsisiyasat sa lahat ng proyekto ng pamahalaan.
Kasunod ito ng inihain na petisyon sa Korte Suprema na kumukwestyon sa constitutionality ng executive order na bumuo sa Independent Commission for Infrastructure.
Sinabi ni Senate President Sotto na remedial measure lamang ang pagbuo ng ICI upang agad nang maimbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects.
Binigyang-diin ng lider ng Senado na mahalagang maisulong ang Senate Bill 1215 upang magkaroon ng isang komisyon na may mas matibay at matatag na kapangyarihan sa pagsusulong ng pananagutan sa mga sangkot sa iregularidad at anomalya.
Sa ngayon, hinihintay pa ni S.P. Sotto ang tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa kanyang hiling na sertipikahang urgent ang panukala upang mapabilis ang pagsasabatas nito.




