Inirekomenda ni Senate President Chiz Escudero na bawian ng lisensya ang mga “Kamote” Driver na masasangkot sa road rage at iba pang vehicular accidents.
Giit ng Senate President, hindi sapat ang ipinapataw na suspensyon ng Land Transportation Office sa mga lumalabag sa batas sa lansangan, kaya dapat lamang na bawian ng lisensya ang mga ito at hindi lamang basta suspendihin.
Nananatili aniyang pangunahing sanhi ng mga aksidente sa kalsada ang kawalan ng disiplina.
Dagdag pa ni SP Escudero, nauuso na rin ang content sa social media ng mga kamote driver, ngunit hindi aniya ito nakakatawa o nakakaaliw, dahil perwisyo lamang ang dulot nito, na minsan ay nauuwi pa sa karahasan.
Kaugnay nito, binigyang diin ng Lider ng Senado na kailangang magpatupad na ng drastic measures o mahigpit na hakbang para maibalik ang kaayusan sa kalsada.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)