Nagpositibo sa COVID-19 ang walo sa mga kasabay na pasahero sa eroplano ng unang Pilipinong nahawaan ng bagong variant ng coronavirus na nadiskubre sa UK.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ipinadala na sa Philippine Genome Center ang samples mula sa mga naturang pasahero.
Ito ay upang matukoy kung anong variant ng COVID-19 ang taglay ng mga ito.
Ani Vergeire, ipinoproseso na ang mga nabanggit na samples at posibleng lumabas ang resulta ng mga ito ngayong araw o bukas.
Samantala, sinabi ni Vergeire na pito na lamang sa 159 na mga nakasabay na pasahero ng unang Pilipinong nagkaroon ng UK COVID-19 variant ang patuloy pa ring pinaghahanap ng mga contact tracers.
Aniya, hindi kumpleto o walang iniwang contact details ang mga naturang pasahero ng Emirates flight E-K 332 noong Enero 7.