Aabot sa 5,559 na mga pulis ang ide-deploy sa Quiapo Church, Quirino Grandstand at mga checkpoint para sa pista ng itim na Nazareno sa Lunes, Enero a-nwebe.
Ito’y ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga debotong makikiisa sa naturang pagdiriwang.
Magtatalaga naman ng 175 na tauhan ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Joint Task Force -NCR bilang support units.
Ayon kay Police Major General NCRPO Regional Director Jonnel Estomo, bagama’t may mga debotong piniling mananatili na lamang sa kanilang tahanan upang magdasal at magsimba, inaasahan pa rin aniya na maraming dadalo sa mismong araw ng kapistahan.
Patuloy naman ang panawagan nito sa mga deboto na makiisa at tumalima sa mga ipinatupad na patakaran sa pagdiriwang ng Black Nazarene Feast ngayong taon. - mula sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)