Magsisimula na sa ika-22 ng Pebrero ang 3-strike policy sa cashless lanes sa mga tollways sa bansa.
Nilinaw ito ng Toll Regulatory Board bagama’t ipinabatid ni Transportation Undersecretary Gary De Guzman na isinasapinal pa nila ang 3-strike policy para sa mga motoristang paulit-ulit na lalabag sa hindi paglo-load o pagkakabit ng kanilang RFID.
Sinabi ni De Guzman na patuloy ang pag-aaral nila at konsultasyon sa mga stakeholders kasama na ang tollway operators subalit mahalagang maipatupad kaagad ang 3-strike policy.
Marami aniyang mga motoristang pasaway na dumadaan sa cashless lanes sa tollways kahit pa alam ng mga ito na walang lamang load ang RFID stickers sa kanilang sasakyan.
Inihalimbawa ni De Guzman na noong Disyembre, sa CAVITEX ay papalo sa mahigit 30,000 motorista ang dalawa hanggang limang beses na dumaan sa cashless lane na hindi sapat o walang load.
Binigyang diin nina House Deputy Speaker Wes Gatchalian at Congressman Ruffy Biazon na dapat magkaroon din ng strike policy para naman sa tollway operators na hindi tutugon sa itinakdang minimum performance standards. —ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)