Hindi pa rin nagpatinag ang ilang militanteng grupo sa pagsasagawa ng kanilang mga kilos protesta sa kabila ng paki-usap ng pambansang pulisya na iwasan ang mass gathering.
Ito’y makaraang mag-rally kahapon, Mayo 1 ang grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa bahagi ng Eastwood Subdivision sa barangay San Isidro, Rodriguez Rizal.
Sigaw ng grupo na mabigyan ng tulong ang mga manggagawa mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) gayundin mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dahil dito, hinuli ng mga pulis ang mga rallyista kung saan, naaresto ang dalawa sa mga group leader nito na nakilalang sina Rastica Clarito at Reynaldo Dulay.
Una nang nagbabala si PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa sa mga militante na huwag nang magtangkang magkasa ng kilos protesta dahil tiyak na mahaharap lang ang mga ito sa pagkakaaresto dahil sa umiiral na quarantine protocols.