Kinumpirma ng Department of Agriculture na nag-isyu sila ng hindi bababa sa 16 show-cause orders laban sa mga retailer na nagbebenta ng imported na bigas sa mataas na presyo, o lampas sa maximum suggested retail price.
Ayon kay DA Spokesman Assistant Secretary Arnel de Mesa, papayagan nila ang mga retailer na magpaliwanag hinggil sa mataas na presyo at kung saan nila nakuha ang imported na bigas.
Sinabi ni Asec. de Mesa na karamihan sa show-cause orders ay ibinigay sa Agora Public Market, na may pitong stalls na nakatanggap ng notices.
Tig-apat na show-cause orders ang inisyu sa mga retailer sa Pritil Market at Kamuning Public Market, at isa sa Commonwealth Market.
Ayon kay Asec. de Mesa, ang pag-iisyu ng show-cause orders ay bahagi ng mahigpit na hakbang ng ahensya upang mapanatili ang matatag na presyo ng bigas sa buong bansa.
—Sa panulat ni Jordan Gutierrez




