Asahan na ang pinalakas na internet connectivity sa mga tourist destination sa bansa.
Ito’y makaraang lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Departments of Tourism at Information and Communications Technology.
Pinangunahan nina Tourism Secretary Christina Garcia Frasco at Information and Technology Secretary Ivan John Uy ang MOU Signing sa tanggapan ng DOT sa Makati City.
Ayon kay Uy, kabilang sa mga mandato ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagpapalakas sa Interconnectivity ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Inihayag naman ni Frasco na mayroon nang 94 na tourist destinations sa bansa ang natukoy na nangangailangan ng mas malakas na internet connections.
Umaasa anya silang mas mapalalakas pa ang internet connections sa mga lugar na ito katuwang ang DICT na magiging malaking tulong para sa pagpapa-unlad pa ng turismo sa bansa.