Umaabot na sa mahigit sampung libong (10,000) kaso ng dengue ang naitala ng Department of Health o DOH sa unang anim na linggo ng taon.
Batay sa dengue disease surveillance report ng DOH, mula Enero 1 hanggang Pebrero 10 pumalo na sa 10,980 ang nagkakasakit ng dengue sa buong bansa habang nasa 50 naman ang namatay.
Gayunman, sinabi ng DOH na mas mababa ito ng 41.38 percent sa mga naitalang kaso ng dengue noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Ayon sa record ng DOH, bumaba ang mga kaso ng dengue sa buong bansa maliban sa mga lugar ng Ilocos Region kung saan tumaas ng 121 porsyento, Cordillera Administrative Region o CAR na tumaas ng 55 porsyento at CALABARZON na 25 porseynto.
Maliban dito, karamihan din sa mga naitalang kaso ay mula sa mga lugar kung saan isinagawa ang anti-dengue vaccination program ng pamahalaan.
Nakapagtala na ng mahigit 2,500 kaso ng dengue sa CALABARZON, mahigit 1,900 sa Central Luzon at mahigit 1,800 naman sa National Capital Region o NCR.
—-