Sa ulat ng Department of Agriculture (DA) noong Miyerkules, hardest-hit region ang Cagayan Valley pa lamang kung saan nakapagtala ng halos P4.96 bilyong pagkalugi dahil sa Super El Niño.
Upang maghatid ng mabilis at sunstainable na solusyon para sa mga apektadong mangingisda sa Cagayan, nagtulungan ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) at TRABAHO Party-List sa pamamahagi ng malawakang proyekto at
tulong pangkabuhayan.
Kabilang sa mga proyektong ipinagkaloob sa 13 grupo ng mga mangingisda sa Munisipalidad ng Claveria noong nakaraang linggo ay ang 62-foot fiberglass-reinforced plastic fishing boat, motorized flat-bottom boat, fishing gears, at mga life vest. Tumanggap din sila ng mga kagamitan para sa post-harvest at pagbebenta, tulad ng mga freezer, weighing scale, fish crate, cooler, meat
grinder, vacuum sealer, at motorized cargo tricycle na kilala sa lokal bilang kulong-kulong.
Bukod sa mitigasyon sa epekto ng El Niño, layunin ng tulong na ito na mapabuti ang operasyon
ng pangingisda, palakasin ang kakayahan sa post-harvest, at bigyan ang mga lokal na
mangingisda ng kagamitan upang mapanatili ang kanilang kabuhayan at tumaas ang kanilang kita.
Pinangunahan ng pro-labor advocate at abugadong kongresista na si Johanne Bautista ang turnover ceremony ng mga nasabing livelihood projects kasama sina DA-BFAR National Director Elizer S. Salilig at BFAR Region 2 Regional Director Angel B. Encarnacion.
Sinaksihan ito nina Vice Mayor Fredelino Agpuldo, Provincial Fisheries Officer Jennifer Tattao, Municipal Agriculturalist Dante Castillo, at Sangguniang Bayan Members Joshua Salmon, Edson Paul Flores, Reyn Niduaza, at Lincoln Guillen.
Sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan, pinagtibay ni Rep. Bautista ang patuloy na pangako ng TRABAHO Party-List na tugunan ang mga pangangailangan ng mga lokal na mangingisda. Aniya, mananatili silang matatag na
katuwang sa paghahatid ng mahalagang suporta para sa trabaho at kabuhayan sa sektor ng agrikultura, lalo na sa panahon ng matinding El Niño.
“Patuloy na magiging kaagapay ng Claveria ang TRABAHO Party-List sa paghahatid ng tulong at suporta para sa trabaho at kabuhayan ng mga Claveriano,” pahayag ni Congw. Bautista.
Binigyang-diin din ni Director Salilig ang dedikasyon ng ahensya na suportahan ang mga komunidad ng mga mangingisda. “Mapalad po kayo na nakatatanggap ng ganitong tulong.
Patuloy ang BFAR, katuwang ang TRABAHO Party-List, sa pagbibigay ng suporta upang mapalakas ang inyong kabuhayan at mapabuti ang kalagayan ng ating mga mangingisda,” aniya

