Pinag-iingat ni Senador Erwin Tulfo ang mga Overseas Filipino Workers na nasa mga bansang France, Italy, Saudi Arabia, at Israel dahil sa mga kaguluhan sa mga nasabing lugar.
Sinabi ng senador na mahalagang umiwas ang mga Pilipino sa mga nabanggit na bansa sa malawakang kilos-protesta ng mga estudyante at manggagawa sa France at Italia, partikular na sa Paris at Milan.
Kasabay nito, pinayuhan din ni Tulfo ang mga O-F-W sa Israel na hangga’t maaari ay umiwas na magtungo sa West Bank dahil sa pag-atake umano ng ilang Israeli settlers na mga nakamaskara sa ilang banyaga.
Pinag-iingat din ang mga Pilipinong nasa Saudi Arabia dahil sa nagpapatuloy na pag-atake ng mga rebeldeng Houthi, lalo na sa mga paliparang tulad ng King Khalid International Airport sa Riyadh.
Dahil dito, hinimok ng senador ang lahat ng Pilipino na ipagdasal ang kaligtasan ng lahat ng mga O-F-W at ng kanilang mga naiwan pamilyang nasa bansa. | Sa panulat ni Anjo Riñon

