Handa na ang Philippine National Police laban sa posibleng cyberattack na magaganap bukas, Nobyembre a-singko.
Ayon kay PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang pagbabantay at pagprotekta sa kanilang online system upang matiyak na hindi ito maapektuhan ng cyberattack.
Dagdag pa ni Lt. Gen. Nartatez, nakahanda ang iba’t ibang unit ng PNP katuwang ang DICT na magsagawa ng mga aktibidad na magpapatibay sa mga firewall at integrity ng mga hardware at software na ginagamit ng pambansang pulisya para labanan ang posibleng cyberattack.
Binigyang-diin ng PNP chief na may direktiba man o wala, gumagawa na sila ng hakbang upang proteksyunan ang mga impormasyon at data na mayroon sila, lalo na ang logistics, firearms, at ang internal disciplinary mechanism information system.
Nabatid na nagbabala ang DICT sa posibleng pagkakaroon ng distributed denial of service o “traffic flood” na maaaring magpabagal o hindi agad ma-access ang ilang mga website o application.




