Ibinunyag ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na walang Environmental Clearance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources ang mahigit walong libong flood control projects, na na-inspeksyon ng DPWH, kabilang dito ang natuklasang apat na raan at dalawampu’t isang ghost projects.
Sa bawat flood control projects gaya ng dike at revetment, dapat may ECC na ibig sabihin, pinag-aralan ang epekto sa kalikasan at komunidad at dapat alam ng lahat kung saan dadaloy ang naipong tubig.
Ayon naman kay Senador Legarda, may impormasyon na kinukuha lang ng Certificate of Non Coverage ang maliliit na flood control projects kahit na kritikal na proyekto ito at nasa kritikal na lugar.
Ang Certificate of Non Coverage ay isang dokumentong nagpapatunay na ang isang proyekto ay walang masamang maidudulot sa kapaligiran.
Ayon pa kay Sec. Dizon, wala kahit isa sa kanilang na-inspeksyon ang may ECC at CNC kabilang ang mga pinuntahan at pinaimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na proyekto sa Naujan, Oriental Mindoro.
Kaugnay nito, lumitaw rin na karamihan sa mga flood control projects ay walang building permit.




