Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi siya dawit sa anumang korapsyon.
Ayon sa Pangulo, malinis ang kanyang konsensya na wala silang itinatago at alam ng administrasyon ang mga ginawa at hindi ginawa pagdating sa paggamit ng pondo ng bayan.
Iginiit ni Pangulong Marcos na kung may mga grupong patuloy na isinasangkot siya sa mga alegasyon ng katiwalian, malinaw na ito ay bahagi lamang ng pamumulitika.
Ipinunto ng Pangulo na may tamang proseso at mga institusyong may mandato upang alamin ang katotohanan.
Tinukoy ni Pangulong Marcos ang Independent Commission for Infrastructure, na kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa mga sinasabing iregularidad sa mga proyekto ng flood control.
Aniya, dapat hayaan ang mga imbestigador na gawin ang tungkulin ng mga ito at huwag diktahan ng sinuman.